Pinalaya Mula sa Katanyagan at Kayamanan

15.03.2021

Ni Xiao Min, China

Sabi ng mga salita ng Diyos, "Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding kahirapan. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali't salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas" ("Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Nahalal ako na maging isang lider ng iglesia nung isang taon. Alam ko na ang tagubiling ito ay kabutihan at pag-aangat ng Diyos. Tahimik akong nagpasya na masugid na hanapin ang katotohanan at gawin nang mabuti ang aking tungkulin. Matapos 'yon, naging abala ako sa gawain ng iglesia, at kapag naharap ako sa mga paghihirap, sumandal ako sa Diyos at umasa sa Kanya. Tinalakay ko rin 'yon kasama ang mga kasamahan at hinanap ang katotohanan para lutasin 'yon. Matapos ang ilang panahon, nagsimula nang sumulong ang bawat aspeto ng gawain ng iglesia, at pinasalamatan ko ang Diyos para sa Kanyang patnubay. Hindi nagtagal, isang eleksyon ang ginanap para sa isa pang lider ng iglesia, at sa gulat ko, napili si Sister Xia, na kasama kong gumawa ng tungkulin ilang taon na ang nakakaraan. Isang mas bagong lider si Sister Xia at medyo mababaw ang kanyang karanasan sa buhay. Nang magkasama kaming gumawa noon, kinailangan ko siyang tulungang lutasin ang ilan sa mga hirap at problema na kinaharap niya. Naramdaman kong sa pagkakataong ito ng paggawa namin nang magkasama, tiyak na mas kakayahan ako kesa sa kanya.

Minsan, pagkauwi ko, may nakita akong mensaheng iniwan ni Sister Xia para sa'kin, sinasabing may isang lider ng grupo sa Iglesia ng Chengxi na hindi makagawa ng praktikal na gawain at kailangang palitan, at mayroon pang ibang mga praktikal na problema na kailangan ng agarang solusyon. Gusto niyang umalis ako at tumulong. Habang pinag-iisipan 'yon, naramdaman kong iniisip niya siguro talaga na mas may kakayahan ako sa kanya, at dahil napakataas ng tingin niya sa'kin, kailangan kong husayan at huwag ipahiya ang sarili ko! Habang lalo ko 'yong iniisip, mas nagiging masaya ako. Pagdating ko sa pagtitipon, natuklasan ko na may detalyadong pagkaunawa sa gawain si Sister Xia, at patung-patong at praktikal ang kanyang pagbabahagi ng katotohanan. Nagulat akong makita na malaki ang iniunlad niya nung nakalipas na ilang taon. Inakala kong mas may kakayahan ako kesa sa kanya at kakailanganin ko siyang bigyan ng maraming patnubay sa gawain, pero mukhang hindi naman ako nakakalamang sa kanya sa kakayahan! Talagang hindi ako nasiyahan at sa tingin ko ay siya na ang mangunguna, kaya pakiramdam ko ay kailangan kong ipakita sa lahat ang kakayahan ko! Hindi ako nangahas na magpakatamad kahit kaunti sa halip ay hinalungkat ko ang isip ko para mag-isip kung pa'no ko mas mapapabuti ang pagbabahagi ko kesa sa kanya. Bilang resulta, naging kasing-labo ng tubig-kanal ang pagbabahagi ko, at maski ako ay walang nakuhang kasiyahan mula ro'n. Naramdaman kong nawalan ako ng karangalan at talagang nalungkot ako.

Simula no'n, hindi ko na mapigil na makipagkompitensya kay Sister Xia. Minsan sa isang pagtitipon, nang malaman niya ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nakahanap siya ng nauugnay na mga salita ng Diyos, pinagtagpi-tagpi 'yon kasama ang aktuwal niyang karanasan sa kanyang pagbabahagi, at nakita kong tumatango ang lahat habang nakikinig. May ilang nagsusulat, at may ilang nagsabing, "Mula ngayon may landas na kaming tatahakin." Nakaramdam ako rito ng parehong paghanga at inggit, kaya ano ang iniisip ko? "Ngayon, kailangan kong magmadsali at magbahagi ng ilang fellowship. Kahit ano pa, hindi puwedeng magmukhang wala akong laban sa kanya." Pero habang lalo ko 'yong iniisip, lalong hindi ako makapag-isip ng ibabahagi. Nagsimula akong magkaro'n ng masamang palagay laban kay Sister Xia, iniisip na, "Kailangan mo bang mag-fellowship ng masyadong mahaba? Nasabi mo na ang lahat ng puwedeng sabihin. Nakaupo lang ako rito na parang mga tenga ng isang taong bingi-pang-dekorasyon lang. Hindi puwede 'to, kailangan kong magbahagi ng ilang fellowship para mabawi ang konti kong pride." Nang huminto siya para uminom ng tubig, nilipat ko ang upuan ko papunta sa harap at nagsimula akong mag-fellowship. Gusto kong magbahagi ng isang bagay na talagang maganda, pero parang hindi ko 'yon magawa nang tumpak. Magulo ang pagbabahagi ko. Nang makita kong kakaiba na ang tingin sa akin ng mga kapatid, napagtanto kong lumihis na ako sa paksa. Talagang hindi ako mapakali at gusto kong maghanap ng butas na mapagtataguan. Pinagmukha kong hangal ang sarili ko. Gusto ko lang na magmukhang kaaya-aya, pero nagmukha akong katawa-tawa sa huli. Nilagay ko ang sarili ko sa entablado, at nakita ng lahat na mabigo ako. Sa puso ko, sinimulan kong sisihin ang Diyos sa pagpapaliwanag sa aking kapatid, ngunit hindi sa akin, at inalala ko ang tungkol sa kung paano ako makikita ng ibang mga kapatid simula no'n. Habang lalo ko 'yong iniisip, mas lalo akong nabalisa. Gusto kong takbuhan ang sitwasyon at ayoko na siyang makasama pa sa gawain. Naalala ko minsan sa isang pagtitipon, dalawang sisters ang nasa hindi gaanong magandang kalagayan, at walang anumang pagbuti matapos ang fellowship ni Sister Xia. Hindi lang ako hindi tumulong mag-fellowship, pero naisip ko pa, "Ngayon makikita ng lahat na hindi niya kayang lumutas ng mga problema, kaya hindi nila siya titingalain habang hinahamak ako." Sa loob ng panahong iyon, patuloy kong sinusubukang makipagkompitensya kay Sister Xia, at dumilim nang dumilim ang kalagayan kong espirituwal. Wala akong anumang liwanag noong nagbabahagi ako, at nang makita ko ang mga kapatid na nahaharap sa mga paghihirap o problema, hindi ko alam kung paano 'yon lulutasin. Nagsimula akong antukin nang napakaaga tuwing gabi, at kinailangan kong puwersahin ang sarili ko na gawin ang tungkulin ko. Lumaki nang lumaki ang paghihirap ko. Wala akong magawa kundi ang manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na iligtas ako.

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking debosyonal isang araw: "Sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo-kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, naiinggit ka, namumuhi, at na hindi iyon patas. 'Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?' Sa gayo'y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo itong pigilin, ngunit hindi mo magawa. Nagdarasal ka sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kapag naharap kang muli sa ganitong sitwasyon, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan tayog na kulang pa sa gulang? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong katayuan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao" ("Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Lubos na binunyag ng mga salita ng Diyos ang aking kalagayan at tumagos 'yon sa aking puso. Pinagnilayan ko kung bakit namumuhay ako sa gano'n kahirap at nakakapagod na paraan. Ang ugat no'n ay ang pagnanasa ko para sa kasikatan at katayuan, at dahil napakayabang ng disposisyon ko. Inalala ko noong kasisimula ko pa lang gawin ang tungkuling ito. Nang nagkaroon ako ng kaunting tagumpay sa gawain ko at tiningala ako ng mga kapatid, talagang hinangaan ko ang sarili ko at inisip kong may talento ako. Nang makatrabaho ko si Sister Xia at nakita kong mas mahusay siya kaysa sa'kin, nainggit ako, naging magagalitin, at palaging nakikipagkompitensya sa kanya. Nang hindi ko siya mahigitan, naging negatibo ako at nagreklamo, at nagbulalas pa ng aking mga damdamin sa aking tungkulin. Nang makita ko na hindi niya nalutas ang kalagayan ng mga sister na 'yon, hindi lang ako hindi tumulong sa fellowship, ayoko ring gumawa ng anuman at nagsaya ako sa kanyang pagkabigo. Determinado akong makita siyang nahihiya. Paano 'yon naging paggawa sa aking tungkulin? Bilang isang lider sa iglesia, lubos akong iresponsable at hindi ko talaga inisip ang gawain ng iglesia o ang tungkol sa kung nalutas na ba ang mga problema ng mga kapatid. Ang iniisip ko lang ay ang tungkol sa kung paano ko siya mahihigitan. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, at napakatuso. Ginulo ng pangalan at katayuan ang utak ko. Handa akong makitang hindi nalutas ang mga problema ng mga kapatid, makitang nalalagay sa kompromiso ang gawain ng iglesia, hangga't kaya kong protektahan ang aking reputasyon at katayuan. Hindi ba kinakagat ko ang kamay na nagpakain sa akin? Hindi ako karapat-dapat sa gano'n kahalagang tungkulin. Napakakasuklam-suklam no'n, napaka-nakamumuhi sa Diyos! Sa pag-iisip nito, hindi ako nagsayang ng oras at lumapit sa Diyos para manalangin at magsisi, hinihiling sa Diyos na tulungan akong itapon ang mga kadena ng kasikatan.

Nabasa ko kalaunan ang siping ito ng mga salita ng Diyos: "Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng tahanan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pamamagitan ng pagmumuni kung ikaw ay naging dalisay o hindi sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng tahanan ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin" ("Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Mabilis na nagliwanag ang puso ko pagkabasa ng mga salitang ito mula sa Diyos, at nagkaroon na ako noon ng landas. Kung gusto kong makalaya mula sa mga bigkis ng pangalan at katayuan, una kailangan kong itama ang sarili kong puso. Kailangan kong panatilihin ang isip ko sa tagubilin ng Diyos at maging mapagbigay sa kalooban ng Diyos, at kailangan kong isipin kung paano ko magagawa nang mabuti ang tungkulin ko. Habang napupuno ang puso ko ng mas maraming positibong bagay, magiging mas madali nang bitawan ang mga negatibong bagay gaya ng pangalan, katayuan, kayabangan at reputasyon. Napagtanto ko na ang paghanga sa akin ng iba ay hindi nangangahulugan na sinasang-ayunan ako ng Diyos, at ang panghahamak sa akin ng iba ay hindi nangangahulugan na hindi ako ililigtas ng Diyos. Ang mahalaga ay ang pag-uugali ko sa Diyos, at kung kaya ko bang isagawa ang katotohanan at gawin nang mabuti ang aking tungkulin. Nagpasalamat ako sa pagliliwanag ng Diyos na nagpabalik sa akin mula sa aking mga maling gawain. Ayoko nang makipagkompitensya kay Sister Xia, gusto ko na lang gawin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang para palugurin ang Diyos. Simula no'n, sadya akong nanalangin sa Diyos at nilagay ang puso ko sa aking tungkulin, at sa mga pagtitipon ng iglesia, maingat akong nakinig sa pagbabahagi ng mga kapatid. Nang may matuklasan akong ilang problema, seryoso ko 'yong pinag-isipan, tapos ay naghanap ng nauugnay na mga salita ng Diyos at isinama 'yon sa sarili kong mga karanasan para sa fellowship. Natuto rin ko mula sa mga lakas ni Sister Xia para makabawi sa sarili kong mga kahinaan. Mas lumuwag at guminhawa ang pakiramdam ko dahil sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at malaki ang ibinuti ng kalagayan ko. Nagpasalamat ako nang gano'n sa Diyos. Pero malalim na nakaugat sa loob ko ang pagnanasa sa pangalan at katayuan na sa sandaling lumitaw ang tamang sitwasyon, nagpakitang muli ang aking satanikong kalikasan.

Naaalala kong may isang beses kung kailan aasikasuhin ko na ang ilang problema sa isang grupo, at habang papalabas na ako, sinabi ni Sister Xia na medyo kumplikado ang mga problema sa grupong 'yon, at gusto niyang sumama sa akin. Nang marinig kong sinabi niya 'yon, nadurog ang alon ng kaligayahang sinasakyan ko. Naisip ko, "Kung gano'n ikaw lang ang makakapag-ayos ng mga bagay? Nagpapasikat ka lang ba? Ano'ng ibig mong sabihin sa pagsasalita nito sa harap ng superyor mo? Hindi ba sadya mong sinusubukang sirain ako sa iba?" Talagang sumama ang loob ko no'n. Mag-isa akong umalis sa huli, pero hindi mawala ang sama ng loob na naramdaman ko. Reklamo ako nang reklamo tungkol kay Sister Xia habang papunta ako ro'n na hindi ko nagawang makita ang lugar na pagtitipunan at kinailangan kong bumalik. Lungkot na lungkot ako. Naisip ko, "Talaga bang wala akong silbi? Ni hindi ko makita ang isang lugar ng pagtitipon. Ano'ng iisipin sa'kin ng superyor namin? Talagang ipinahiya ko ang sarili ko sa pagkakataong ito!" Pagbalik ko at nakita ko ang ibang sisters, ayokong makipag-usap sa kanila.

Kinabukasan, magkahiwalay kaming pumunta ni Sister Xia sa iglesia para isakatuparan ang ilang gawain, at muli akong dumanas ng emosyonal na pagkaligalig. Iniisip ko, "Wala akong pakialam kung ano'ng akala mo sa sarili mo, tingnan na lang natin kung sino'ng mas magaling!" Tamang-tama ang pagdating ko sa iglesia at dumiretso ako sa pagsasakatuparan sa mga gawain, nagfe-fellowship at naghahalili ng mga gawain nang sabay. Naisip ko, "Ang dami ko talagang naibigay na pagsisikap sa pagkakataong ito. Tiyak na magbubunga ito, at pagkatapos ay mauunahan ko na si Sister Xia." Sa isang miting ng mga manggagawa kalaunan, nalaman kong ako ang may pinakakaunting nakamit sa aking tungkulin. Ni sa panaginip, hindi ko inasahan na pwedeng mangyari 'yon. Nawalan ako ng pag-asa nung sandaling 'yon at naramdaman ko na gaano mang pagsisipag ang gawin ko, hindi ko kailanman matatalo si Sister Xia. Nung mga sandaling 'yon, habang nakikita kong pinangangalagaan ng superyor namin si Sister Xia sa tuwing mahuhuli siya ng balik, pakiramdam ko naechapwera ako. Talagang nainggit ako sa kanya. Kapag nakikita ko siyang mas maayos kaysa sa akin sa lahat ng bagay at lubos na pinahahalagahan ng superyor namin, pakiramdam ko hindi ko na kailanman mararanasang mapansin uli. Naisip kong mas magandang maging isang lider ng grupo kaysa maging isang lider ng iglesia. Kahit papa'no titingalain ako at susuportahan ng mga kapatid. Pakiramdam ko mas gusto ko nang maging isang malaking isda sa isang maliit na lawa kaysa maging isang maliit na isda sa isang malaking lawa. Patuloy lang na bumuhos palabas ang mga hinaing ko. Talagang labag sa loob ko na mapunta ako sa kapaligirang 'yon at hindi na ako makapaghintay na makalabas do'n sa lalong madaling panahon. Palala nang palala ang kalagayan ko. Naiinggit at naiinis ako kay Sister Xia, at pakiramdam ko ay hindi ako mapapansin dahil sa kanya. Naisip ko rin, "Kung gumawa lang siya ng anumang pagkakamali sa tungkulin niya at inilipat, maganda sana 'yon."

Dahil patuloy akong nabubuhay sa kalagayang ito ng pakikipaglaban para sa reputasyon at mga personal na interes, nang hindi man lang nagninilay sa sarili, hindi nagtagal ay dumating sa akin ang pagdidisiplina ng Diyos. Minsan, nagsaayos ako ng isang pagtitipon kasama ang ilan sa ibang lider. Bukod sa walang dumating, na-flat-an din ako ng gulong habang pabalik, at hindi nagtagal, nagkaro'n ako ng matinding sakit sa likod. Masakit at namamaga, mahirap tiisin ang sakit na 'yon. Umabot sa punto na ni hindi na ako makagawa ng tungkulin ko. Tapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: "Ang hinihingi sa inyo ngayon-ang gumawa nang magkakasama na may pagsusunuran-ay katulad ng paglilingkod na hiningi ni Jehova sa mga Israelita: Kung hindi, tumigil na lang kayo sa paglilingkod" ("Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Natakot ako rito. Posible kayang gusto ng Diyos na tanggalan ako ng pagkakataon na gawin ang aking tungkulin? Kalaunan nabasa ko ang isa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos: "Habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang maiinggit at mamumuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong di matatamo, at habang mas kaunti ang natatamo, mas namumuhi ka. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin sa gayong kalagayan, kaya, unti-unti, aalisin ka" ("Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Natakot at nanginig ako sa mahigpit na mga salita ng Diyos. Ramdam ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala. Partikular nang mabasa ko ito mula sa mga salita ng Diyos, "Hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin sa gayong kalagayan, kaya, unti-unti, aalisin ka," talagang naramdaman ko na nasa napipintong panganib ako. Matapos 'yon, narinig kong sinasabi ni Sister Xia, "Talagang palala na nang palala ang gawain ng iglesia sa lahat ng paraan...." Labis ang pagkabahala niya na nagsimula siyang umiyak. Pagkatapos naalala ko noong sinusuri ng superyor namin ang diwa ng pagkabigo namin na magkasundo, sinasabing ginagambala at sinasabotahe no'n ang gawain ng bahay ng Diyos. Hindi na ako nangahas pang ituloy na isipin ang tungkol do'n, sa halip nagmadali na lang akong lumapit sa Diyos sa panalangin at paghahanap. Alam na alam ko na ang paghahanap ng pangalan at katayuan, at pagkainggit sa iba ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, kaya bakit hindi ko mapigil ang sarili ko sa paghahanap sa masasamang bagay na 'yon?

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabay-sabay natin 'yong basahin. "Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding kahirapan. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali't salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga pagkilos ni Satanas, hindi ba kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil hindi pa rin ninyo nakikita ngayon nang malinaw ang masasamang motibo ni Satanas sapagka't iniisip ninyo na hindi maaaring mabuhay kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kapag iniwan ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa hinaharap, hindi na makikita ang kanilang mga layunin, na ang kanilang hinaharap ay magiging madilim, malamlam at mapanglaw" ("Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nagawa kong hanapin ang ugat ng problema sa mga pagbubunyag ng mga salita ng Diyos. Hindi ko kailanman mapigil ang sarili ko sa paghabol sa reputasyon at katayuan dahil tinuruan ako sa eskuwelahan at inimpluwensyahan ng lipunan mula nung maliit ako. Malalim na naitanim sa puso ko ang mga satanikong pilosopiya at kamalian, gaya ng "Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba," "Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno," "Isa lang ang lalaking maaaring manguna," "Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa," at "Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan kahit saan man siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad." Kinuha ko ang mga bagay na 'yon bilang mga salitang inspirasyonal at itinakda ko 'yon bilang mga layunin sa buhay na dapat hanapin. Sa labas man sa mundo o sa loob ng bahay ng Diyos, hinanap ko lang ang mataas na pagtingin ng iba. Gusto kong malagay sa prominenteng posisyon, nasaan man ako, na tingnan ako ng lahat. Naramdaman ko na 'yon lang ang makabuluhang paraan para mabuhay. Hindi gano'n kahusay ang kakayahan ko kailanman, at hindi rin talaga ako magaling sa anumang bagay, pero hindi ko lang talaga matiis ang pagiging mas mababa sa iba. Kapag mas magaling sa akin ang isang tao, talagang sumasama ang loob ko, at hindi ko mapigil ang sarili ko sa pakikipagpaligsahan at pakikipagkompitensya sa kanila. Susubukan kong mag-isip ng anuman para mauna. Kung 'di ko magawa, nagseselos ako at kinamumuhian ko sila, at sisisihin ko ang lahat puwera sa sarili ko. Isa 'yong napakasamang paraan para mabuhay. Nakita ko rin sa wakas na ang paghahanap sa pangalan at katayuan ay hindi ang tamang landas, at 'pag lalo ko 'yong ginawa, mas lalo akong magiging mayabang at makitid ang isip. Magiging mas makasarili ako at toxic na walang anumang pagiging kawangis ng tao. Pagkatapos ay tiningnan ko si Sister Xia: Maingat at seryoso niyang ginawa ang tungkulin niya, at nagtataglay ng liwanag ang fellowship niya. Nagawa niya ring lutasin ang mga praktikal na suliranin ng mga kapatid. Kapaki-pakinabang 'yon para sa iba at para sa gawain ng iglesia. Isa 'yong kamangha-manghang bagay at isang bagay na makakapagdala ng aliw sa Diyos. Ako naman, sa kabilang dako, ay makitid ang isip at inggitera, laging iniisip na ninanakaw niya sa'kin ang atensyon ng iba, kaya kumiling ako laban sa kanya. Gustung-gusto ko na mabigo siya at mapalitan. Nakita ko kung gaano ako kamalisyoso sa loob ko! Hinahangad ng Diyos na makakita ng mas maraming tao na naghahanap ng katotohanan at inaalala ang Kanyang kalooban, at nagagawa ang kanilang tungkulin para mapalugod Siya. Pero sa pagsisikap ko na ingatan ang sarili kong reputasyon at posisyon, hindi ko matiis ang mga kapatid na gumagawa no'n. Nainggit ako sa kanila at 'di ko sila matagalan. Hindi ba paglaban 'yon sa Diyos at pagsalungat sa Kanya? Hindi ba no'n ginagambala ang gawain ng bahay ng Diyos? Ano'ng kaibahan ko sa demonyo, kay Satanas? Saka nandiyan ang lahat ng mga opisyal ng Partido Komunista na bumubuo ng mga pangkat at nakikisali sa mga pagpupursigi para sa reputasyon at posisyon, at gagawin ang lahat para pigilin ang isang kalaban, pinupuksa ang kanilang mga kaaway at sinisiil ang mga tao. Hindi masabi kung gaano karaming kasamaan na ang naidulot nila, gaano karaming tao na ang pinatay nila! Sa huli, wawasakin nila ang sarili nila, at parurusahan sila sa impyerno kapag namatay sila. Kung gano'n, bakit sila nagtatapos sa gano'ng paraan? Hindi ba dahil inilalagay nila sa ibabaw ng lahat ang reputasyon at posisyon? Tapos kung titingnan ang sarili kong asal, bagaman hindi 'yon kasing-sama ng kanila, talagang magkapareho 'yon. Nabubuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya at batas, at ang disposisyong inihayag ko ay mayabang, tuso, at masama. Mala-demonyo ang isinabuhay ko, walang anumang wangis ng tao. Pa'no 'yon hindi magiging karumal-dumal at nakamumuhi sa Diyos? Ang pagdidisiplina sa gano'ng paraan ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos na dumarating sa akin, at higit pa, 'yon ang pagliligtas Niya sa akin. Nang matanto ang lahat ng ito, mabilis akong lumapit sa Diyos sa panalangin. Sinabi ko, "O Diyos ko, hindi ko hinahanap ang katotohanan. Pangalan at katayuan lang ang hinahanap ko. Nagawa akong tiwali ni Satanas, hindi ako gaya ng isang tao. Nang mawalan ako ng reputasyon at katayuan, ayoko nang gawin ang tungkulin ko at malapit na Kitang ipagkanulo. Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo. Handa na akong hanapin ang katotohanan, na makipagtulungan sa aking kapatid, at maging mapagkumbaba sa tungkulin ko para paluguran Ka."

Matapos 'yon, lubusan na 'kong nagbukas kay Sister Xia. Sinuri ko ang mga paraan ng pakikipagkompitensya ko sa kanya para sa pangalan at pakinabang. Hiniling ko rin sa kanya na bantayan niya ako at tulungan niya ako. Matapos 'yon, nagawa na naming mas maayos na magtulungan sa aming tungkulin. Kahit na nagpapakita pa rin ako minsan ng pagnanasa para sa pangalan at pakinabang, nakikita ko agad na 'yon ay ang satanikong disposisyon ko na nagpapakita ng sarili, iniisip ko ang kalikasan at resulta ng pagpapatuloy nang gano'n, at pagkatapos ay madali akong nananalangin sa Diyos at maingat na pinag-iisipan ang lahat. Masigasig akong nakikinig sa fellowship ng sister ko at natututo mula sa mga kalakasan niya. 'Pag nakikita kong mayroon siyang nalagpasan sa kanyang pagbabahagi, sumasagot ako agad. Nung mga panahong 'yon, iniisip ko kung paano malinaw na maibabahagi ang katotohanan para makinabang ang lahat mula ro'n. Nararamdaman ng lahat na talagang nakakapagpaliwanag ang mga gano'ng uri ng pagtitipon at nakikinabang din ako mula sa mga 'yon. Nararamdaman kong malaya at magaan ang puso ko. Gaya lang 'yon ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: "Kung kaya mong tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan, kung gayon pagkaraang danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes" ("Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo).

________________________________

Magrekomenda nang higit pa: Ang Kasikatan at Kayamanan ay Nagdala sa Akin ng Pagdurusa

Naniniwala tayo sa Diyos, ngunit bakit nakakaranas pa rin tayo ng maraming pagdurusa tulad ng mga kapalpakan sa pag-aasawa, pagpapahirap sa mga karamdaman, at hindi mapayapang buhay sa tahanan? Ano ang pagdurusa kahulugan? Basahin ang pahinang ito, at pagkatapos ay mahahanap mo ang sagot. Inirerekomenda: Ang Kahulugan ng Pagdurusa at Kung Anong Uri ng Pagdurusa ang Kailangang Danasin ng mga Mananampalataya sa Diyos 

Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!
© 2019 Pablo Siloé. Todos los derechos reservados.
Creado con Webnode Cookies
¡Crea tu página web gratis! Esta página web fue creada con Webnode. Crea tu propia web gratis hoy mismo! Comenzar