Isaisip ang Kalooban ng Diyos Upang Makamit ang Pagkaperpekto
Habang higit mong isinasaisip ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin; mas mabigat ang iyong pasanin, mas mayaman ang iyong magiging karanasan. Kapag iyong isinasaisip ang kalooban ng Diyos, ibibigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, at ikaw ay liliwanagan ng Diyos sa mga bagay na ipinagkatiwala Niya sa iyo. Pagkatapos na maibigay ng Diyos sa iyo ang pasaning ito, ikaw ay magsisimulang magbigay ng pansin sa mga katotohanang may kaugnayan sa iyong pasanin kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos. Kung ang pasaning ito ay may kaugnayan sa mga kalagayan ng buhay ng mga kapatid na lalaki at babae, ito ay isang pasanin na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ang iyong mga panalangin sa araw-araw ay laging magdadala ng pasaning ito. Kung ano ang ginagawa ng Diyos ay ipinagkatiwala ngayon sa iyo, ikaw ay nagnanais na isakatuparan yaong kailangang gawin ng Diyos, at ito ang ibig sabihin ng balikatin ang pasanin ng Diyos na parang sa iyo. Sa puntong ito, ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay matutuon sa mga usapin sa mga aspetong ito, at iyong iisipin: Paano ko ba malulutas ang mga usaping ito? Paano ko magagawang pahintulutan ang mga kapatid na lalaki at babae na mapalaya, upang magkaroon ng kagalakan sa kanilang mga espiritu? Ikaw ay tutuon sa paglutas ng mga usaping ito kapag kayo ay nagbabahaginan, ikaw ay tutuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita na may kaugnayan sa mga usaping ito kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ikaw ay kakain at iinom ng mga salita ng Diyos habang dinadala ang pasaning ito, at iyong mauunawaan ang mga pangangailangan ng Diyos. Sa puntong ito, higit na magiging malinaw sa iyo ang landas na daraanan. Ito ang pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito ang Diyos na nagkakaloob ng Kanyang paggabay sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, kung gayon hindi ka nagbibigay-pansin kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, iyong mauunawaan ang diwa ng mga salita ng Diyos, nakahahanap ka ng iyong daan, nakakaya mo na naisasaisip ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, kailangan mong hilingin sa Diyos sa iyong mga panalangin na pagkalooban ka pa ng mas maraming pasanin nang sa gayon, higit pang mga dakilang bagay ang ipagkakatiwala sa iyo ng Diyos, mas kakayanin mong makatagpo ng daan ng pagsasagawa sa hinaharap, lalo kang magiging mabisa sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, makakaya mong maunawaan ang diwa ng Kanyang mga salita, at mas makakaya mong tanggapin ang pag-aantig ng Banal na Espiritu.
Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagsasagawa ng pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, pagtanggap ng kung ano ang ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos-ang lahat ng mga ito ay para sa layuning mayroong landas sa harap mo. Mas higit ang pasaning dinadala mo para sa tagubilin ng Diyos, mas madali kang mapeperpekto ng Diyos. May mga ayaw makipagtulungan sa paglilingkod sa Diyos kahit na sila ay tinawag na; ang mga ito ay mga taong tamad na ang ninanais lamang ay magsaya sa kaginhawaan. Mas hinihingi sa iyo ang pakikipagtulungan sa paglilingkod sa Diyos, mas maraming karanasan ang iyong makakamit. Dahil nagdadala ka ng mas maraming pasanin at mas marami kang nararanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataon upang maperpekto. Samakatuwid, kung mapaglilingkuran mo ang Diyos nang taos-puso, mas isasaisip mo ang pasanin ng Diyos, at sa ganitong paraan magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Ang ganitong pangkat ng mga tao ay pineperpekto na sa panahong ito. Mas naaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, mas makakamit ka ng Diyos, at sa huli, magiging isang tao kang ginagamit ng Diyos. Sa kasalukuyan, may mga taong walang pasaning dinadala para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang pinahahalagahan lamang nila ay ang kanilang sariling laman. Sila ay masyadong makasarili at bulag din. Hindi ka magkakaroon ng pasanin kung hindi mo makikita ang bagay na ito nang malinaw. Mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasanin na ipagkakatiwala ng Diyos sa iyo. Ayaw ng mga makasariling tao na magtiis ng mga gayong bagay, ayaw nilang magbayad ng halaga, at bunga nito, mawawalan sila ng pagkakataon na maperpekto ng Diyos. Hindi ba ito pananakit sa sarili mismo? Kung ikaw ay isa na nagsasaisip sa kalooban ng Diyos, makabubuo ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin ito na pasanin para sa iglesia, ito ay pasanin para sa iyong sariling buhay, sapagka't ang pasanin na nabubuo mo para sa iglesia ay para maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia at sinumang nagdadala ng pasanin ng pagpasok tungo sa buhay ay yaong mapeperpekto ng Diyos. Nakikita mo na ba nang malinaw ito ngayon? Kung nasa kaguluhan ang iglesia na iyong kinabibilangan subali't hindi ka pa nag-aalala o nababahala, kung ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang wasto subali't lalo ka pang nagbubulag-bulagan, kung gayon hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang mga ganoong tao ay hindi gusto ng Diyos. Ang mga taong gusto ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa pagkamatuwid at isinasaisip nila ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos. Kayo ay hindi dapat naghihintay na mabunyag sa lahat ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi kaya magiging huli na kung gayon? Ngayon ang mabuting pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong ang pagkakataong ito ay makalagpas sa iyong mga kamay, magsisisi ka hanggang sa natitirang panahon ng iyong buhay, gaya nang si Moises ay hindi nakayang pumasok sa mabuting lupa ng Canaan at nagsisi siya hanggang sa huli ng kanyang buhay, namatay nang may mataos na pagsisisi. Sa sandaling ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay nabunyag na sa lahat ng mga tao, magsisisi ka. Kahit na hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa iyong sariling mataos na pagsisisi. Ang iba ay hindi kumbinsido rito. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, basta maghintay ka lang. May ilang mga tao na magsisilbing katuparan ng mga salitang ito. Nais mo bang maging sakripisyong-handog para sa mga salitang ito?
Kung hindi ka naghahanap ng mga pagkakataon upang maperpekto ng Diyos, kung hindi ka magpunyaging hanapin ang iyong pagkakataon upang maperpekto, kung gayon mapupuno ka ng pagdadalang-sisi sa bandang huli. Ngayon ang pinakamainam na pagkakataon upang maperpekto-ito ang pinakamainam na panahon. Kung hindi ka marubdob na nagnanais ng pagpeperpekto ng Diyos, matapos na magwakas ang gawain ng Diyos, magiging masyadong huli na-mawawala na sa iyo ang pagkakataong ito. Gaano man kadakila ang iyong mga hinahangad, kung ang Diyos ay hindi na gumaganap ng gawain, kahit na ano pang pagsisikap ang iyong gawin, hindi ka na kailanman mapeperpekto. Kailangan mong samantalahin ang pagkakataong ito at makipagtulungan sa pamamagitan ng dakilang gawain ng Banal na Espiritu. Kung makawala sa iyo ang pagkakataong ito, hindi ka na mabibigyan ng isa pa, kahit na ano pang pagsisikap ang iyong gawin. May ilang mga taong nagsasabi: "Diyos, handa akong isaisip ang Iyong pasanin, handa akong tuparin ang Iyong kalooban." Subali't wala silang landas upang magsagawa, samakatuwid ang kanilang mga pasanin ay hindi magtatagal. Kung may isang landas sa harap mo, madaragdagan ang iyong karanasan pa-hakbang-hakbang, at magtatama-tama at maisasaayos ito. Pagkatapos na ang isang pasanin ay naisakatuparan, isa pa ang ibibigay sa iyo. Sa paglalim ng iyong karanasan sa buhay, ang iyong mga pasanin ay lalalim din. May ilang mga tao na nagdadala lamang ng isang pasanin kapag naantig ng Banal na Espiriitu, at pagkatapos ng ilang panahon, hindi na sila nagpapasan ng anumang mga pasanin kapag walang daan upang magsagawa. Hindi ka makabubuo ng mga pasanin sa pamamagitan lamang ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa maraming mga katotohanan, matututo kang umaninaw, makakaya mong lumutas ng mga suliranin sa pamamagitan ng paggamit ng mga katotohanan, at ikaw ay magkakaroon ng mas tumpak na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at kalooban ng Diyos. Kalakip ng mga bagay na ito, makabubuo ka ng mga pasanin, at makakaya mong gumanap ng mabuting gawa sa sandaling magkaroon ka ng isang pasanin. Kung mayroon ka lamang isang pasanin, subali't wala kang malinaw na pagkaunawa ng katotohanan, hindi rin ito gagana. Dapat mayroon kang mga karanasan mismo sa mga salita ng Diyos, at alam kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos, at ikaw mismo ay dapat pumasok muna tungo sa realidad, bago ka maaaring makapagkaloob sa iba, manguna sa iba, at maperpekto ng Diyos.
Sinasabi sa Ang Daan ... (4) na kayong lahat ay mga mamamayan ng kaharian na itinalaga ng Diyos, bago pa ang mga kapanahunan, at ito ay hindi maaaring kuhanin mula sa inyo ng sinuman. Sinasabi rin nito na bawa't isa ay ninanais na magamit ng Diyos, maperpekto ng Diyos, at hinihingi Niya na makatayo sila bilang bayan ng Diyos, at tangi lamang ang pagiging bayan ng Diyos ang makatutupad sa kalooban ng Diyos. Inyong naibinahagi ang bagay na ito nang panahong iyon, ibinabahagi ang daan ng pagpasok batay sa mga kinakailangan para sa bayan ng Diyos, samakatuwid ang gawaing ginanap ng Banal na Espiritu nang panahong iyon ay ang alisin ang mga tao mula sa kanilang negatibong mga kalagayan at dalhin sila sa isang positibong kalagayan. Nang panahong iyon, ang takbo ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang matamasa ng bawa't isa ang mga salita ng Diyos, bilang bayan ng Diyos, nang sa gayon bawa't isa sa inyo ay makauunawa nang malinaw na kayo ang bayan ng Diyos na itinalaga ng Diyos, bago pa ang mga kapanahunan, at ito ay hindi kayang agawin ni Satanas. Kaya naman, lahat kayo ay nanalangin: "Diyos! Payag akong maging iyong mamamayan, dahil kami ay itinalaga Mo, bago ang mga kapanahunan, dahil naipagkaloob Mo ito sa amin. Payag kaming kunin ang posisyong ito at bigyang-kasiyahan Ka." Kapag nanalangin ka sa ganitong paraan, maaantig ka ng Banal na Espiritu-at iyon ang takbo ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang panahong ito ay nakatuon sa pananalangin at pagsasagawa upang payapain ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa gayon makakaya mong hanapin ang buhay, hanaping makapasok tungo sa pagsasanay ng kaharian. Ito ang unang hakbang. Sa kasalukuyan, ang gawain ng Diyos ay ang gawing makapasok ang lahat tungo sa tamang landasin, isang normal na buhay-espiritwal at tunay na karanasan, maantig ng Banal na Espiritu, at batay sa saligang ito, tanggapin yaong ipinagkatiwala ng Diyos. Ang layunin ng pagpasok tungo sa pagsasanay ng kaharian ay ang hayaan ang inyong bawa't salita, bawa't gawa, bawa't kaisipan at ideya na pumasok sa loob ng mga salita ng Diyos, ang hayaan kayo na maantig ng Diyos nang mas madalas at makamtan ang pag-ibig ng Diyos at mas mabigat na pasanin para sa kalooban ng Diyos, sa gayon ang bawa't isa ay nasa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, sa gayon bawa't isa ay nasa tamang landasin. Sa sandaling ikaw ay nasa landas upang maperpekto ng Diyos, kung gayon ikaw ay nasa tamang landasin. Kapag ang iyong isipan at mga ideya, gayundin ang iyong mga maling hangarin ay maaaring maituwid at kapag nakakaya mong bumaling mula sa pagsasaisip sa iyong laman tungo sa pagsasaisip sa kalooban ng Diyos, at kapag ang mga maling hangarin ay nagsisiharap at nakakaya mong hindi magambala ng mga ito at gumawa ayon sa hangarin ng Diyos-kung kaya mong kamtin ang gayong pagbabago, kung gayon ikaw ay nasa tamang landasin ng karanasan sa buhay, Kapag ang iyong mga pagsasagawa ng panalangin ay nasa tamang landasin, ito ang sandali na maaantig ka ng Banal na Espiritu sa iyong mga panalangin. Tuwing ikaw ay mananalangin, ikaw ay maaantig ng Banal na Espiritu; tuwing ikaw ay mananalangin, makakaya mong payapain ang iyong puso sa harap ng Diyos. Tuwing ikaw ay kakain at iinom ng isang talata ng salita ng Diyos, kung kaya mong maunawaan ang gawain na ginaganap ng Diyos sa kasalukuyan, at kaya mong malaman kung paano manalangin, paano makipagtulungan, at paano pumasok, tanging ang mga ito ang pagkakamit ng mga bunga mula sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kapag kaya mong matagpuan ang daan ng pagpasok mula sa mga salita ng Diyos at kaya mong maunawaan ang kasalukuyang kalagayan ng gawain ng Diyos at ang takbo ng gawain ng Banal na Espiritu, ipinapakita nito na ikaw ay nasa tamang landasin. Kung hindi mo naunawaan ang mga pangunahing punto kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, kung hindi mo kaya na makasumpong ng landas tungo sa pagsasagawa pagkatapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, ipinakikita nito na hindi mo pa alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at hindi mo pa natagpuan ang paraan at prinsipyo para sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo naunawaan ang gawain na ginaganap ng Diyos sa kasalukuyan, hindi mo makakayang tanggapin ang tagubilin ng Diyos. Ang gawain na ginaganap ng Diyos sa kasalukuyan ang dapat mapasok ng mga tao, at dito dapat magkaroon ng kaalaman ang mga tao sa ngayon. Mayroon ba kayong pagkaunawa sa mga bagay na ito?
Sa sandaling nakapagkamit ka ng mga bunga mula sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at ang iyong buhay-espiritwal ay naging normal, at kaya mo nang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal, manalangin nang normal, magpatuloy sa iyong buhay-iglesia nang normal, anuman ang mga pagsubok na maaari mong harapin, o mga pangyayari na iyong makakaharap, o karamdaman ng laman na maaari mong tiisin, pagkakawalay ng mga kapatid na lalaki at babae, o ilang kahirapan sa inyong pamilya-kung mararating mo ang puntong ito, kung gayon ay ipinakikita nito na ikaw ngayon ay nasa tamang landasin. May ilang mga tao na masyadong marupok at kulang sa pagtitiyaga. Umuungot sila kapag may kaharap na maliliit na balakid, nagiging mahina sila. Ang paghanap sa katotohanan ay nangangailangan ng pagtitiyaga at pagpupunyagi. Kung hindi mo kayang tuparin ang kalooban ng Diyos ngayon, dapat ay makaya mong kamuhian ang iyong sarili, maging tahimik na determinado sa iyong puso na tutuparin mo ang kalooban ng Diyos sa susunod na pagkakataong dumating. Kung sa oras na ito hindi mo isinaisip ang pasanin ng Diyos, dapat determinado ka na maghimagsik laban sa laman kapag kinakaharap ang kaparehong balakid sa hinaharap, at pagpasyahan mo na tuparin ang kalooban ng Diyos. Ganito kung paano ka maging kapuri-puri. May ilang mga tao na hindi man lamang nalalaman kung ang kanilang sariling mga iniisip at ideya ay tama-ang mga ganitong tao ay mga hangal! Kung nais mong masupil ang iyong puso at maghimagsik laban sa laman, kailangan mo munang malaman kung ang iyong mga hangarin ay mabuti, at saka mo lamang masusupil ang iyong puso. Kung hindi mo nalalaman kung ang iyong mga hangarin ay mabuti, masusupil mo ba ang iyong puso at maghihimagsik laban sa laman? Kahit na maghimagsik ka, ginagawa mo ito sa isang paraang lito. Kailangan mong malaman na ang maghimagsik laban sa iyong mga maling hangarin ay ang maghimagsik laban sa laman. Kapag alam mo na ang iyong mga hangarin, iyong mga iniisip at mga ideya ay mali, kailangan mong bumalik nang madali at lumakad sa tamang landasin. Kailangan mo munang pagtagumpayan ang aspetong ito at sanayin ang sarili mo para sa pagpasok sa ganitong aspeto, dahil ikaw ang pinakanakakaalam kung ang iyong mga hangarin ay mali o hindi. Kapag ang mga maling hangarin ay naitutuwid at para sa kapakanan ng Diyos, kung gayon nakamit mo na ang layunin ng pagsupil sa iyong puso.
Ang susi para sa inyo ngayon ay ang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos, ang magkaroon ng pagkaalam sa gawain ng Diyos, at kailangan mong malaman kung paanong ang Banal na Espiritu ay gumaganap ng Kanyang gawain sa tao, ito ang susi para sa pagpasok tungo sa tamang landasin. Magiging madali para sa iyo na pumasok tungo sa tamang landasin sa sandaling maunawaan mo ang susing ito. Ikaw ay naniniwala sa Diyos at kilala ang Diyos, na nagpapakita na ang iyong paniniwala sa Diyos ay tunay. Kung patuloy kang nakararanas hanggang sa huli subali't hindi pa rin nakikilala ang Diyos, kung gayon ikaw ay tiyak na isa na lumalaban sa Diyos. Yaong mga naniniwala lamang kay Jesucristo at hindi naniniwala sa nagkatawang-taong Diyos ng kasalukuyan ay hinahatulang lahat. Silang lahat ay mga nasasapanahong Fariseo, dahil hindi nila nakikilala ang Diyos ng kasalukuyan, at silang lahat ay lumalaban sa Diyos. Kahit na gaano pa katapat ang kanilang paniniwala kay Jesus, lahat ng ito ay mawawalan ng kabuluhan; sila ay hindi tatanggap ng papuri ng Diyos. Lahat sila na nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, subali't walang tunay na pagkakilala sa Diyos sa kanilang mga puso, ay mga mapagkunwari.
Upang hanapin ang pagpeperpekto ng Diyos, ang isa ay kailangan munang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng maperpekto ng Diyos, anong mga kundisyon ang kailangang taglayin upang maperpekto ng Diyos, pagkatapos ay hanapin ang mga landas ng pagsasagawa sa sandaling magkaroon na siya ng pagkaunawa sa mga ganitong bagay. Ang isa ay kailangang magtaglay ng tiyak na kakayahan upang maperpekto ng Diyos. Maraming hindi nagtataglay ng mga kinakailangang kakayahan, na nangangailangan na magbayad ka ng tiyak na halaga at ng iyong sariling pagsisikap. Mas kaunti ang iyong kakayahan, mas higit ang sariling pagsisikap na dapat mong gawin. Mas malaki ang iyong pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at mas isinasagawa mo ang mga iyon, mas mabilis kang makapapasok tungo sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin, ikaw ay mapeperpekto sa gitna ng mga panalangin; sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa diwa ng mga salita ng Diyos, at pagsasabuhay ng realidad ng mga salita ng Diyos, ikaw ay mapeperpekto. Sa pamamagitan ng pagdaranas ng mga salita ng Diyos araw-araw, dumarating ka sa pagkaalam ng kung ano ang kulang sa iyo, at higit pa rito, dumarating ka sa pagkaalam sa iyong karupukan at sa iyong mga kahinaan, at nag-aalay ka ng panalangin sa Diyos, sa pamamagitan nito ikaw ay unti-unting napeperpekto. Ang mga landas sa pagpeperpekto: pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagkaunawa sa diwa ng mga salita ng Diyos, pagpasok tungo sa pagdaranas ng mga salita ng Diyos, pagdating sa pagkakaalam ng kung ano ang kulang sa iyo, pagsunod sa gawain ng Diyos, pagsasaisip sa pasanin ng Diyos at pagdaig sa laman sa pamamagitan ng iyong pagmamahal sa Diyos, at malimit na pagbabahagi sa mga kapatid na lalaki at babae, na nagpapayaman sa iyong mga karanasan. Kung ito man ay buhay-komunidad o iyong pansariling buhay, at kung ito man ay mga malalaking pagtitipon o maliliit, ang lahat ay makapagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng mga karanasan at makatanggap ng pagsasanay upang ang iyong puso ay mapapayapa sa harap ng Diyos at makababalik sa Diyos. Lahat ng ito ay ang proseso ng pagiging pineperpekto. Ang pagdaranas sa mga salita ng Diyos na aking sinalita ay nangangahulugan ng tunay na pagtikim sa mga salita ng Diyos at pagpapaubaya na ang mga salita ng Diyos ay maisabuhay sa iyo upang ikaw ay magkaroon ng mas malaking pananampalataya at pag-ibig tungo sa Diyos. Sa pamamagitan ng paraang ito, unti-unti mong maiwawaksi ang tiwaling maka-Satanas na disposisyon, unti-unti mong maaalis sa iyong sarili ang di-wastong mga motibo, at isasabuhay ang wangis ng isang normal na tao. Mas malaki ang pag-ibig sa Diyos sa loob mo-na ibig sabihin, mas malaking bahagi sa iyo ang naperpekto na ng Diyos-mas kaunti na ang ginawang pagtiwali sa iyo ni Satanas. Salamat sa tunay na mga karanasan, ikaw ay unti-unting makapapasok tungo sa landas ng pagpeperpekto. Samakatuwid, kung nais mong maperpekto, ang pagsasaisip sa kalooban ng Diyos at pagdaranas ng mga salita ng Diyos ay lalong mahalaga.
____________________________________
Bakit mahalaga ang panalangin? Sapagkat ang pananalangin ay isang daan para sa mga Kristiyano na makipag-usap sa Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin, maaari nating makamit ang pananalig at lakas ,ula sa Diyos at sumunod sa Diyos hanggang sa huli.