Ang Diyos ay Napakamatuwid

15.04.2021

Ni Zhang Lin, Japan

Nung Setyembre 2012, ako ang namamahala sa gawain sa iglesia nang makilala ko ang lider kong si Yan Zhuo. Nalaman kong hiniling niya sa mga kapatid na ipangaral ang ebanghelyo sa mga bahay-bahay. Isa iyong seryosong paglabag sa mga prinsipyo. Kaya sinabi namin sa kanya ng kasamahan ko sa gawain, "Kailangan nating sumunod sa mga prinsipyo ng bahay ng Diyos kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Salungat do'n ang ginagawa mo ngayon at pag napunta sa Iglesia ang mga di-mananamplataya't masasama, magagambala no'n ang gawain sa bahay ng Diyos. Anupaman, mapanganib na mangaral ng ebanghelyo nang gano'n. Kapag may taong tumawag ng pulis, kung gayon, itinapon mo ang iyong mga kapatid sa mga leon." Di na nga siya nakinig, inakusahan pa kami na mapanggiit ng mga panuntunan. Sa mga pagtitipon, madalas niya kaming pagalitan ng kasamahan ko, hinaharang daw namin ang gawaing pang-ebanghelyo ng bahay ng Diyos. Naramdaman namin na talagang pinipigil niya kami. Nung Disyembre nung taong iyon, lumabas ang regional members namin para mangaral gaya ng sinabi ni Yan Zhuo at mahigit isandaang katao ang naaresto. Isa itong malaking dagok sa gawain ng bahay ng Diyos pero ganap na walang pagsisisi si Yan Zhuo. Hindi ko rin siya nakitang nagsuri o malalim na nagnilay sa kayabangan o pagkawalang-ingat niya. Noong Nobyembre 2013, ako ang namahala sa paggawa ng mga video ng iglesia. Napansin kong mayabang niya pa ring ginagawa ang anumang bagay na gusto niyang gawin. Pinapagalitan at kinokondena niya ang sinumang nagpapahayag ng ibang opinyon. Pinigilan niya ang mga video na ipinasa ng mga tao para masuri, kaya hindi nakatanggap ang mga kapatid ng payo o tulong mula sa bahay ng Diyos. Ipinunto ko sa kanya ang ilang kulang sa kung pa'no niya ginagawa ang tungkulin niya at nagbigay ng ilang suhestiyon, pero nagpatuloy lang siya gaya ng dati. Hindi siya nakinig, at sinabing ako ang mayabang. Kaya naman noong Mayo 2014, ipinatanggal niya ako at pinauwi sa'min. Pagkauwi ko sa bahay, nagkataong nabasa ko ang ilang prinsipyo tungkol sa pagkilala sa mga anticristo at huwad na lider. Habang kinukumpara ko sa kanila ang ugali ni Yan Zhuo, napagtanto ko kung gaano kayabang at malisyoso siya. Palagi siyang walang puso at mapandikta sa kanyang tungkulin. Hindi niya tinanggap ang katotohanan o suhestiyon mula sa mga kapatid, sa halip, kinondena niya ang mga tao. Hindi ba ipinapakita ng asal niya na isa siyang anticristong namumuhi sa katotohanan? Nagulat talaga ako nang makita ko ang asal niya sa kung ano iyon. Sa mahigit dalawang taong gumawa kami nang magkasama, nakita ko ang asal at pamamaraan niya, ngunit itinuring yon na katiwalian. Di ko ginamit ang mga salita ng Diyos para suriin ang kalikasan, diwa, o ang landas niya. Kaya tuwing kasama ko siya, kinailangan ko lang maging mapagparaya at matiyaga, na nakaantala at apekto sa gawain ng bahay ng Diyos. Naisip ko, "Kung magpapatuloy si Yan Zhuo bilang lider ng iglesia, mas lalo niyang magagambala ang gawain ng bahay ng Diyos." Nagpasya akong isumbong ang mga problema niya. Bumigkas ako ng panalangin sa Diyos at sumulat ng liham para isumbong siya. Sa dulo ng sulat, nagdagdag ako ng isang huling bagay. Alam ko nung panahong 'yon na may isang video na may ilang problema, kaya hiniling ko sa bahay ng Diyos na siyasatin at suriin 'yon.

At nung ipapadala ko na 'yung natapos na sulat, nagkaroon ako ng mga pagdadalawang-isip. Naisip ko, "Binigyan ko na siya ng mga suhestiyon noon at ipinunto ko na rin ang mga problema sa kanyang tungkulin, pero hindi 'yon naging maayos at pinauwi niya ako. 'Di ko man lang magawa ang tungkulin ko. Kung ipapadala ko ang sulat na ito para isumbong siya tapos nabasa niya ito, aakusahan niya akong nang-aatake ng mga lider, anong mangyayari sa 'kin? Dapat ko na 'tong kalimutan. Dahil nasa labas na ako, mas mabuting huwag ko nang guluhin ang mga bagay." Pero naisip ko: "Ginabayan ako ng Diyos na makita na tinatahak ni Yan Zhuo ang landas ng mga anticristo. Oo. Tama. Kung hindi ko isusumbong ito, ang gawain ng bahay ng Diyos at ang mga kapatid ang pinaka-magdurusa." "Hindi ba ako magiging katulong ni Satanas at isang masamang tao?" Talagang naglaban ang isip ko sa pagitan ng mga interes ng bahay ng Diyos at ang mga kapatid sa isang panig at sa mga hinahangad ko sa hinaharap sa kabila. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Sa loob ng ilang araw, madalas akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako. Hanggang may nabasa akong mga salita Niya. "Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng lakas ng loob upang magawang perpekto, at hindi mo dapat laging isipin na hindi kaya ng iyong sarili. May pinapanigan ba ang katotohanan? Kaya bang kusang salungatin ng katotohanan ang mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong madaig? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung ito nga talaga ang iyong hangarin na habulin ang buhay, kaya bang umiwas ng buhay sa iyo? Kung wala sa iyo ang katotohanan, hindi iyan dahil sa hindi ka pinapansin ng katotohanan, kundi dahil sa lumalayo ka mula sa katotohanan; kung hindi mo kayang manindigan nang matibay para sa katarungan, iyan ay hindi dahil sa mayroong mali ang katarungan, kundi dahil sa naniniwala kang lihis ito sa mga katunayan; kung hindi mo natamo ang buhay pagkatapos pagsumikapang hanapin ito sa loob ng maraming taon, iyan ay hindi dahil sa ang buhay ay walang konsensya tungo sa iyo, kundi dahil sa wala kang konsensya tungo sa buhay, at naitaboy ang buhay; kung namumuhay ka sa liwanag, at hindi nakayang makamit ang liwanag, iyan ay hindi dahil sa hindi nagagawa ng liwanag na liwanagan ka, kundi dahil sa hindi mo nabigyang-pansin ang pag-iral ng liwanag, kung kaya ang liwanag ay tahimik na lumisan sa iyo. Kung hindi ka naghahabol, kung gayon ito ay masasabi lamang na ikaw ay walang-halagang basura, at walang lakas ng loob sa iyong buhay, at hindi taglay ang espiritu para labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Masyado kang mahina! Hindi mo kayang tumakas mula sa mga puwersa ni Satanas na umaatake sa iyo, at handa lamang magpatuloy sa ganitong uri ng ligtas at panatag na buhay at mamatay sa kamangmangan. Ang dapat mong marating ay ang iyong pagsisikap na malupig; ito ang iyong nakatakdang tungkulin. Kung sapat na para sa iyo ang malupig, kung gayon ay itinataboy mo ang pag-iral ng liwanag. Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at para makamit pa nang higit ang katotohanan ay dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin" ("Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng siping ito. Naisip ko. "'Di ako magpapatalo sa maitim na puwersang ito." Hindi ako nagkaroon ng pagkilala kay Yan Zhuo noon. Pero ngayon, isinaayos ng Diyos ang mga bagay para makita ko ang kalikasan, diwa at ang sinusundan niyang landas. Dapat nanindigan ako at inilantad ang lahat, pero pinakinggan ko ang pilosopiya ni Satanas na "Hayaan lang ang mga di nakakaapekto nang personal" alang-alang sa kinabukasan ko. Nakita ko kung gaano ako kasakim, walang konsensya o katinuan. Inisip ko ang mga taong nanampalataya ako sa Diyos at tinamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita Niya. Ngunit ngayon, 'di ko pinapansin ang ang budhi ko para protektahan ang mga interes ko at nagbubulag-bulagan pa ako. Wala akong utang na loob, masama, at kasuklam-suklam! Kaya naisip ko: "Dapat akong kumilos nang may konsiyensiya at pagpapahalaga sa hustisya, isagawa ang katotohanan at protektahan ang gawain ng Diyos." Kaya lumapit uli ako sa Diyos nang maraming beses para manalangin at ginawa ang resolusyong ito: "Anuman ang maging kalalabasan ng pagsusulat ko ng report na ito, hindi ako pwedeng maging katulong ni Satanas para lang sa mga interes ko. Nakita ko ang mga problema kay Yan Zhuo, kaya dapat akong manindigan, ilantad ang kasamaan niya at protektahan ang gawain." Pinadala ko ang sumbong sa bahay ng Diyos pagkatapos. Napakagaan ng pakiramdam ko pagkatapos no'n at nagkaroon ako ng kapayapaan sa puso ko. Balisa akong naghintay araw-araw para magpadala ang bahay ng Diyos ng sisiyasat sa sitwasyon ni Yan Zhuo at para makita ng mga kapatid kung ano talaga ang anticristong iyon at tanggihan siya. Sa kasamaang palad, mas lumala ang sitwasyon ko dahil sa sulat na iyon.

Nung Agosto 2014, pumayag ang iglesia na gumawa ulit ako ng tungkulin. Pero nung kalagitnaan no'ng Oktubre, pumunta ang lider na si Li sa hosting home ko. Tinanong niya nang may masungit na mukha, "Gumawa ka ba ng isang report letter dati?" Sinabi kong oo. Hindi nasisiyahan niyang sinabi, "Si Yan Zhuo ang namamahala sa gawain ng iglesia at madalas ko siyang makausap. Wala akong napansing indikasyon na kumikilos siya gaya ng isang huwad na lider o anticristo. Ang ginawa mong sulat ay atake sa mga lider at manggagawa." Hindi ako makapaniwala sa narinig ko nang sinabi niya iyon. Hindi ko inakala ang gano'ng kalalabasan matapos maghintay ng apat na buwan. Nanatili akong kalmado sa kabila ng mga sinabi niya. Alam kong ginawa ko ang sulat na iyon tungkol sa kanya alinsunod sa mga katotohanan at prinsipyo. Hindi iyon isang maling akusasyon. Tapos, sinabi ni Pinunong Li, "Nabanggit sa report letter mo ang pagsusuri sa ilang video, kaya gumugol ng dalawang buwan ang bahay ng Diyos sa mga pagsisiyasat at pagsusuri. Malubhang nagambala no'n ang gawain ng bahay ng Diyos at nagkasala sa disposisyon Niya." Sinabi niya rin na iyon ang sinabi ng mga senior leader. Naiwan akong nanginginig sa pagkabigla dahil sa mga sinabi niya. Hindi ko inakala na magdudulot ang sulat ko ng matinding gambala sa gawain ng bahay ng Diyos at nagkasala sa disposisyon Niya. Kung gaya ng sinabi niya ang mga bagay, nakagawa nga ako ng malaking kasamaan. Naramdaman kong bigla akong naubusan ng lakas at hindi ko mapigilan ang pag-iyak ko. Tapos, sinabi ni Leader Li, "Kunin mo ang mga gamit mo, umuwi ka, at magnilay ka. Kapag tapos ka nang magnilay, puwede ka na ulit gumawa." Naupo ako sa bus habang pauwi ako nang mayroong magulong pag-iisip at may matinding bigat sa puso ko. Napakaraming taon kong nanampalataya sa Diyos pero naging masamang tao ako na malubhang gumambala sa gawain ng bahay ng Diyos. Napuno ako ng paninisi sa sarili at panghihinayang at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa'kin. Tinawag ko ang Diyos at hiniling na protektahan Niya ang puso ko. Pa'no man Niya ako pakikitunguhan, susundin ko ang mga pagsasaayos Niya. Hindi ko Siya sisisihin. Matapos magdasal, unti-unti akong kumalma. Tatlong araw pagkauwi ko, pinag-isipan ko ang tungkol sa sinabi ni Li at nagkaroon ako ng ilang tanong: Si Cristo at ang katotohanan ang namumuno sa bahay ng Diyos, at may mga prinsipyo sa ginagawa nito, at sa paghawak nito sa mga tao. Hindi iyon basta susunod sa ilang pansamantalang ugali ng isang tao. Kaya ano ba ang mga prinsipyo nila para ganituhin ako? Totoo ba talaga ang mga sinabi ni Pinunong Li? Hindi ko talaga malaman iyon, pero alam kong anuman ang katotohanan, pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang lahat ng iyon kaya kailangan kong magpasakop. Hindi nagtagal bago ako inilipat sa isang grupo para sa mga pagtitipon. Matapos ang mahigit isang buwan, inatasan akong dumalo sa mga pagtitipon sa bahay kasama ang mama ko, at hindi na kami pinayagang gumawa. Alam ko na noon na iniitsapwera na nila kami. Nanampalataya ako sa Diyos sa buong panahong ito, pero ngayon hindi lang ako ihinihiwalay sa bahay, ni hindi man lang ako makagawa ng tungkulin. Pakiramdam ko, nawalan talaga ako. Halos gabi-gabi akong nananaginip ng pakikipagtipon at paggawa ng tungkulin ko kasama ang mga kapatid ko. Nagigising ako at hindi na makatulog. Parang napakahaba ng bawat gabi ko, napakahirap tiisin. Kasama kong nagdusa ang mama ko nung mga panahong iyon. Lalo na kapag naririnig ko siyang umiiyak habang nananalangin siya sa Diyos, sinisisi ko ang sarili ko at nakakaramdam ng labis na lungkot. Pakiramdam ko, idinulot ko iyon sa kanya. Ang mga araw na iyon ang pinaka mahirap na pinagdaanan ko mula nang manampalataya ako sa Diyos. Bukod sa patuloy na pananalangin, wala na akong paraan para paginhawahin ang sakit sa puso ko. Kalaunan tinanong ko ang lider ng iglesia ko kung puwede na ba akong gumawa uli ng tungkulin ko. Sinabi niya, "Gusto mo pa ring gumawa ng tungkulin mo? Kung hindi ka magninilay gaya ng dapat mong gawin, patatalsikin ka!" Nang marinig ko ito, nakaramdam ako ng labis-labis na kawalan ng pag-asa. Nalaman kong ang paggawa ko sa tungkulin ko'y isang pangarap na lang. Linggu-linggong pumunta sa bahay namin ang mga lider para sa isang pagpupulong, pero pumupunta lang sila para magtanong tungkol sa'kin kung nagpapalaganap ba ako ng negatibo o bumubuo ng grupo. Kaya sa tuwing pumupunta sila para magtanong tungkol sa akin, nakakaramdam ako ng kalungkutan. Minsan, gusto ko silang tanungin, "Bakit niyo ba 'ko tinatrato nang ganito? Nagawa kong isumbong si Yan Zhuo batay sa mga prinsipyo. Pero sa halip na imbestigahan siya, ang ginawa niyo'y panatilihin ako sa bahay. May mali ba sa pagsasagawa ng katotohanan?" Talagang sumama ang loob ko. Minsan nga, naiisip ko: "Bakit humantong sa ganito ang pagsasagawa ng katotohanan? Naniniwala akong matuwid ang Diyos pero hindi ko makita ang pagkamakatuwiran Niya sa nangyayari ngayon." Tunay nga na litung-lito ako. Ginagawa ko na lang ang dapat kong gawin, hindi nagsasalita ng makasalanan o sinisisi ang Diyos. Madalas akong lumapit sa Kanya para manalangin, hinihiling na patnubayan akong maunawaan ang kalooban Niya at hindi magkamali ng pagkaunawa sa Kanya.

Doon sa pinakamahirap, pinakamasakit na panahon ko nabasa ang mga salita ng Diyos. "Paano ba talaga dapat malaman at maunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Kapag natanggap ng mga matuwid ang Kanyang mga pagpapala at kapag isinumpa Niya ang masasama-ito ang mga halimbawa ng katuwiran ng Diyos. Tama ba ito? Sinasabi na ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama, at na ginagantimpalaan Niya ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Tama iyon, hindi ba? Gayunman, sa mga panahong ito, yaong mga sumasamba sa Diyos ay pinapatay o isinusumpa, o hindi Niya napagpala o kinilala kailanman; gaano man nila Siya sinasamba, hindi Niya sila pinapansin. Hindi pinagpapala ng Diyos ang masasama, ni pinarurusahan sila, subalit sila ay mayayaman at maraming supling, at lahat ay maayos para sa kanila; tagumpay sila sa lahat ng bagay. Ito ba ang katuwiran ng Diyos? Dahil dito, sinasabi ng ilang tao, 'Hindi matuwid ang Diyos. Sinasamba namin Siya, ngunit hindi Niya kami napagpala kailanman, samantalang sa lahat ng bagay, mas nakakalamang ang masasamang lumalaban at hindi sumasamba sa Kanya at mas mataas ang mga katungkulan kaysa sa amin. Hindi matuwid ang Diyos!' Ano ang ipinapakita nito sa inyo? Dalawang halimbawa lamang ang ibinigay Ko sa inyo. Alin dito ang bumabanggit sa katuwiran ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao, 'Parehong nagpapakita ng katuwiran ng Diyos ang mga ito!' Bakit nila sinasabi ito? Mali ang kaalaman ng mga tao sa disposisyon ng Diyos; umiiral ito sa kanilang sariling isipan at pananaw, sa loob ng isang transakyonal na pananaw, o sa loob ng isang pananaw tungkol sa mabuti at masama, isang pananaw tungkol sa tama at mali, o isang lohikal na pananaw. Ang mga ito ay mga pananaw na hatid nila sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos; ang gayong mga tao ay hindi kaayon ng Diyos, at malamang na labanan Siya nila at magreklamo sila tungkol sa Kanya" ("Paano Mauunawaan ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo).

"Gagawin ng Diyos ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito katuwiran. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: magiging matuwid din ang Diyos noon. Bakit ito tinatawag na katuwiran? Mula sa pananaw ng isang tao, kung nakaayon sa mga palagay ng mga tao ang isang bagay, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga palagay-kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain-mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. ... Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama't hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? 'Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong matatalinong gawa?' Ngayon, dapat mong makita na hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas upang ipakita sa mga tao kung gaano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung paano sila inililigtas ng Diyos; sa huli, dahil sa antas na nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, mamamasdan nila ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, at kapag pinuksa ng Diyos si Satanas, mamamasdan nila ang katuwiran ng Diyos at makikita na kinapapalooban ito ng disposisyon ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama't maaaring hindi mo ito maarok, hindi ka dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi makatwiran para sa iyo, o kung mayroon kang anumang mga palagay tungkol doon, at hinihikayat ka nitong sabihin na hindi Siya matuwid, masyado kang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang Kanyang kabutihang-loob. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos" ("Paano Mauunawaan ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Nagliwanag ang mga salita ng Diyos na parang isang ilaw sa dilim at bigla kong naunawaan ang lahat ng ito. Hindi ko makita ang katuwiran ng Diyos dahil sinusubukan kong unawain iyon gamit ang mga kuro-kuro at haka-haka ko. Nang makita ko ang mga anticristo't huwad na lider na ginagambala ang gawain ng bahay ng Diyos, naniwala akong ang tapat na pagsusumbong sa kanila'y mabuti at matuwid na gawain na makakapagbigay sa'kin ng pabor at proteksyon ng Diyos. Inakala kong agad-agad silang pakikitunguhan, at iyon lang ang katuwiran ng Diyos. Pero matapos kong i-report ang mga isyung ito ay nagpatuloy sila sa mga posisyon nila at kumilos pa rin nang walang habas, samantalang ako ang pinigilan at saka nilayuan ng mga tao. Sinimulan kong pagdudahan ang katuwiran ng Diyos sa puntong iyon. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na matuwid ang diwa Niya. Sang-ayon man o hindi ang mga kilos Niya sa mga palagay natin, lagi no'ng ipinapahayag ang Kanyang katuwiran. Kagaya lang iyon ng mga pagsubok ni Job. Isa siyang perpektong tao sa mga mata ng Diyos pero ibinigay siya ng Diyos kay Satanas at kinuha ang lahat ng kayamanan at mga anak niya. Ito ang katuwiran ng Diyos. Natakot si Job sa Diyos at umasa sa kanyang pananalig para matibay at malakas na magpatotoo sa Diyos. Kaya pinagpala siya ng mahabang buhay, mas maraming kayamanan, at mas mabuting mga anak. Katuwiran din ito ng Diyos. Ipagpalagay na matapos sumaksi si Job sa Diyos, hindi siya pinagpala ng Diyos, sa halip ay winasak siya. Iyon ay katuwiran din Niya. Likas na matuwid ang diwa at disposisyon ng Diyos kaya lahat ng ginagawa Niya ay matuwid. Naisip ko si Pedro na sumailalim sa maraming pagsubok at pagpipino, ngunit pinuri pa rin niya ang katuwiran ng Diyos. Hindi niya maunawaan ang lahat ng nangyari pero nagtiwala siya na ang katuwiran at karunungan ng Diyos ang nasa likod nun. Tapos ako naman-hindi ko tunay na naunawaan ang katuwiran ng Diyos sa halip, kinilatis iyon sa kung pa'nong lumitaw ang mga bagay at ang kinalabasan ba'y ayon sa mga haka-haka ko. Kapag ang ginawa ng Diyos ay akma sa mga haka-haka ko at pinakinabangan ko, naniwala ako sa katuwiran Niya. Pero kapag naghanda Siya ng mga sitwasyon na hindi ko pinakinabangan, nagsimula akong magduda sa katuwiran Niya, naniniwalang hindi patas ang mga bagay na inihanda Niya. Kahit hindi ko kailanman hayagang sinisi ang Diyos, patuloy akong nakikipagtalo sa Kanya sa puso ko. Nakita ko kung ga'no ako naging walang isip. Hindi naging di-matuwid ang Diyos. Ako ang hindi nakaunawa sa Diyos. Naging napakasakim ko at mapanlinlang. Hindi ko hinahanap ang katotohanan o natututo sa sitwasyong inihanda Niya para sa'kin. Sa halip, nahumaling ako sa sarili kong kinabukasan at mga interes, kaya pa'nong hindi ako makakaramdam ng hirap at mahuhulog sa dilim? Naunawaan ko sa wakas ang kalooban ng Diyos. Ginagamit Niya ang sitwasyong ito para baguhin ang mga mali kong pananaw para hindi ko na subukang unawain ang katuwiran Niya sa pamamagitan ng mga palagay ko . Ramdam kong naunawaan ko na sa wakas ang nangyayari. Nanalangin ako sa Diyos, handang magpasakop sa mga pagsasaayos Niya at unawain Siya sa sitwasyong ito.

Tapos, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: "Halos lahat ng tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos. Hindi talaga iyon isang bagay na madaling unawain; kailangan munang malaman ng isang tao na may isang plano sa lahat ng gawain ng Diyos at ginagawang lahat iyon sa takdang panahon ng Diyos. Palaging hindi naaarok ng tao kung ano ang ginagawa ng Diyos at kung kailan Siya gumagawa; ginagampanan ng Diyos ang isang gawain sa isang partikular na panahon, at hindi Siya nagpapaliban; walang sinumang makakasira sa Kanyang gawain. Ang gumawa ayon sa Kanyang plano at ayon sa Kanyang layunin ang siyang prinsipyong sinusunod Niya sa pagganap sa Kanyang gawain, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Sa gayong paraan, dapat mong makita ang disposisyon ng Diyos" ("Tanging sa Pamamagitan ng Pagkilala sa Pagkamakapangyarihan ng Diyos Nagkakaroon Ka ng Totoong Paniniwala" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). "Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural, ang gawain na ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang layunin, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, mga kinakailangan ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos para sa tao; sa ibang salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pag-unawa sa puso ng Diyos at pag-intindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya upang sundin ang dakilang kapangyarihan at mga pag-aayos ng Diyos, at sa gayon ay nagbibigay-daan sa tao upang matamo ang pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan-ang lahat ng ito ay isang aspeto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang ipakita sa mga tao ang mga kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at paglusob ni Satanas, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unting palayain ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at paglusob ni Satanas-hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, sa kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at sa kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, sila ay nagtatagumpay sa mga paglusob ni Satanas, at nagtatagumpay sa mga paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa sakop ni Satanas" ("Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ipinakita sa'kin ng mga salita ng Diyos na kumikilos Siya nang may prinsipyo at laging sa sarili Niyang panahon, at ang katuwiran at karunungan Niya ang nasa likod nito. Inakala kong ang katuwiran ng Diyos ay nangangahulugan ng agarang pagganti at dapat maparusahan agad ang lahat ng masasamang tao. Pero kung nangyari 'yun gaya ng inakala ko, pa'no Niya ilalantad ang lahat ng uri ng tao at tutulutan ang mga pinili Niya na magkamit ng pagkilala? Pinahihintulutan Niya ang mga anticristo at huwad na lider na lumitaw sa Iglesia para gamitin ang mga taong ito na tulungan tayong lumago sa buhay, para itulak tayong hanapin ang katotohanan. Kapag nakilala na natin sila gamit ang mga prinsipyo ng katotohanan doon na natin nauunawaan at napapasok ang katotohanan. Kapag nangyari iyon, nagawa na ng mga anticristo't huwad na lider ang layunin nila. Kahit na ilang mga anticristo at huwad na lider ang nasa kapangyarihan sa simbahan noong panahong iyon at tila nagagawang kontrolin at linlangin ang tao, si Cristo at ang katotohanan pa rin ang naghari sa buong Iglesia kaya malalantad at mapapatalsik din silang lahat kalaunan.

Napagtanto ko rin kung ga'nong mapanira at malisyoso ang kalikasan ng mga anticristo. Reputasyon at katayuan lang ang iniintindi nila at hindi ang tungkol sa pinili ng Diyos. Ang sinumang manghimasok sa kanilang mga interes ay nagiging isang tinik sa kanilang tagiliran. Aatakihin at paghihigantihan nila ang taong iyon, hindi titigil hanggang sa mapagod sila. Kumikilos sila gaya ng ginagawa ng demonyong si Satanas. Hangga't hindi napapatalsik ang mga anticristo, hindi magkakaroon ng kaginhawahan ang mga pinili ng Diyos para mamuhay ng buhay-iglesia at gawin ang tungkulin nila. Pinahintulutan ng Diyos na mangyari 'to sa'kin para talagang makita ko sa mga taong ito kung ga'no nila nilinlang at pininsala ang iba, makilala ang kalikasan at diwa nila, maintindihan ang mga erehe nilang kamalian at matakasan ang kanilang panloloko. Gusto rin Niyang matuto ako sa mga mali nila para hindi ko tahakin ang maling landas. Pinakita sa'kin na talagang inaayos Niya ang sitwasyong ito para iligtas at gawin akong perpekto. Gaya ng sabi ng mga salita ng Diyos: "Sa pamamagitan ng maraming salungat at negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapakita ni Satanas-mga kilos nito, mga paratang, mga paggambala at panlilinlang-malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang nakakatakot na mukha ni Satanas, at sa gayo'y ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at talikuran ito" ("Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Salamat sa gabay ng Diyos na maunawaan ko ang mga pagsisikap Niya at sa pag-akay Niya sa'kin palabas ng kadiliman.

Noong Enero 2015, sumulat ako ng isa pang liham na nagsusumbong kay Yan Zhuo. Araw-araw akong balisang naghintay na magpadala ang bahay ng Diyos ng magsisiyasat sa kanya. Pero dalawang buwan ang lumipas at naghihintay pa rin ako ng taong magsisiyasat no'n. Pumunta ang lider ng iglesia namin para paulit-ulit akong kwestyunin. Tinanong niya, "Meron ka bang problema sa Diyos o kaya'y sa bahay ng Diyos?" Nagsimula akong mag-alala nang sinabi niya iyon. Bigla ko tuloy naisip: "Ano na kayang mangyayari sa akin ngayong ginawa ko ang sulat na ito? Nakahiwalay na nga ako mula sa iba, kaya pag may nangyari pa, mapapatalsik na ako sa Iglesia." Bigla ko na lamang natanto na nagsimula na naman akong magduda sa katuwiran ng Diyos. Dali-dali akong nanalangin sa Diyos, ang sabi ko, "Diyos ko, kinikilala ko sa salita ang katuwiran Mo at naniniwala akong si Cristo at ang katotohanan ang naghahari sa bahay ng Diyos. Pero nang sinubok ng panahon at mga katotohanan, nakita ko kung ga'no kaliit ang pananampalataya ko at hindi ko pa rin nauunawaan ang katuwiran Mo. Gusto kong bitawan ang mga interes ko at magpasakop sa mga pagsasaayos Mo. Gabayan Mo akong maunawaan ang Iyong kalooban." Tapos nabasa ko ang mga salita Niya: "Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo, at walang katarungan ang hindi mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang ninanasa? Wala nang hihigit pang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng gayong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad niyaong mga walang-gulugod na mahihinang nilalang. Dapat mong matutuhan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at makaranas ng makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang interes sa ganoong paraan. Hindi mo namamalayan, ang iyong buhay ay lilipas; at pagkatapos, magkakaroon ka ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos na siya ay namatay? Dapat kang magkaroon ng parehong mga hangarin at konsensya gaya ni Pedro; ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili" ("Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ipinakita sa'kin nito na ang pineperpekto Niya ay ang paghahangad natin sa katotohanan at katuwiran. Ano mang hirap, kabiguan, o atakeng kinakaharap natin, hindi tayo puwedeng umatras, kundi mabuhay tayo para sa Diyos at katotohanan. Huwag tayong susuko sa pwersa ni Satanas. Saka lang tayo magkakamit ng katotohanan at gagawing perpekto. Hindi ko tinataglay ang gano'ng uri ng pagpapasya at paghahangad. Kahit nagdasal ako sa Diyos na protektahan ang gawain ng bahay Niya at isagawa ang katotohanan, sa sandaling makita kong lumilitaw ang masasamang puwersa, natakot akong masakal at naduwag pa. Hindi ko pa pala tunay na nauunawaan ang katuwiran ng Diyos at sarili ko lang ang iniisip ko 'pag may nangyari nang mga bagay. Tapos naisip ko yung isang bagay na sinabi ng Diyos: Sabi ng Diyos, "Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan" (Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Matutupad ang mga salita ng Diyos, at ang tinutupad Niya'y tumatagal magpakailanman. Bawat masamang tao'y pagdurusahan ang parusa ng katuwiran ng Diyos. Ga'no man katagal ang abutin o pa'no iyon mangyari, sa huli, laging mangyayari ang mga sinasabi ng mga salita ng Diyos. Kaya naisip ko, "Kailangan kong bitiwan ang mga haka-haka ko, at ang mapanlinlang na sataniko kong disposisyon, magtiwala sa mga salita ng Diyos. Hindi ako yuyuko sa puwersa ni Satanas!" Nang matanto ko ito, unti-unti akong kumalma at tumigil na rin sa matinding pag-aalala.

Nung Abril 2015, tumatanggap na ako ng mga sulat galing kay Pinunong Li at sa ibang mga lider at manggagawa tungkol sa kung paano sila nilinlang ni Yan Zhuo, at pa'no sila nagdulot ng malaking pinsala sa'kin. Humingi sila ng paumanhin. At sa sulat niya, inamin ni Pinunong Li, "Hindi ang mga senior leader ang nag-akusa sa'yo ng panggagambala sa gawain ng iglesia, kundi si Yan Zhuo." Alam ko na noon pa na nabasa ni Yan Zhuo ang mga sulat ko para isumbong siya. Para iligtas ang sarili niya, naghanda siya ng ebidensya para mapatalsik ako, pero nakita ng ilang lider at manggagawa ang mga problema sa kanya, kaya nagpadala sila ng sulat sa bahay ng Diyos para isumbong siya. Habang binabasa ko ang lahat ng sulat na ito, nakahinga ako nang maluwag. Lumuhod ako sa harap ng Diyos at umiyak ako. Ang laki ng utang na loob ko sa Kanya nung sandaling iyon. Naniwala ako sa Kanya sa loob ng napakaraming taon pero lagi ko lang nakikita ang katuwiran Niya sa pamamagitan ng imahinasyon ko. Kapag may mga problema, inaangkop ko 'yun sa kung ano'ng inaakala ko, at kapag hindi iyon umubra, hindi ko nauunawaan at sinisisi ko ang Diyos. Pero hindi Niya pinansin ang kahinaan at ang katiwalian ko at ginabayan ako sa pinakamasakit at hindi-mababatang panahon. Ipinakita sa'kin ng karanasang ito na ginagamit ng Diyos ang espirituwal na labanang ito ng pagkilala ng mga huwad na lider para baguhin ang mga mali kong haka-haka at bigyan ako ng tunay na pagkaunawa sa Kanyang katuwiran. Napagtanto ko rin na tinitingnan ko'ng lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng imahinasyon ko. Nilalapastangan at nililimitahan ko Siya, at nagkasala ako sa Kanyang disposisyon. Ipinakita sa'kin ng karanasang ito na matuwid ang diwa ng Diyos. Umaayon man o hindi ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos sa mga haka-haka ng tao, ito'y paghahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, "Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang tunay na sariling diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong mga relasyon o mga ugnayan sa alinman sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkilala sa Diyos ay hindi pagkilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, kung gayon hindi mo kailanman makakayang maabot ang kaalaman ng Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man marahil kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan; bukod dito, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaayon sa tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging paraan ay ganito: tanggapin lahat ang nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipag-tulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan" ("Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Nung Mayo 2015, si Yan Zhuo'y pinatalsik sa Iglesia dahil sa kanyang mga kasamaan. Ang malalapit niyang kaibigan at kasabwat ay pinarusahan din. Nang mabasa ko ang abiso ng pagpapatalsik, naramdaman ko sa puso ko kung ga'no katuwid ang Diyos, Ang katotohanan at si Cristo ang naghahari sa bahay ng Diyos!

________________________________

Sa pagharap sa lahat ng uri ng kahirapan at pagdurusa sa ating buhay, paano natin ang mga ito malalampasan? Mangyaring i-click at basahin ang mga salitang ito upang matulungan ka sa paghubog ng pananampalataya!

Sumnod: Alam niyo ba kung bakit hindi pinanatili ng Panginoong Jesus ang Araw ng Sabbath noong Siya ay dumating upang gumawa?

Sinundan: Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.

© 2019 Pablo Siloé. Todos los derechos reservados.
Creado con Webnode Cookies
¡Crea tu página web gratis! Esta página web fue creada con Webnode. Crea tu propia web gratis hoy mismo! Comenzar