"Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain" | Sipi 7
Maraming Opinyon Tungkol sa Pamantayan Kung Saan Itinatatag ng Diyos ang Kalalabasan ng tao
Dahil nag-aalala ang bawat tao sa kanilang kalalabasan, alam ba ninyo kung paano pinagpapasiyahan ng Diyos ang kalalabasan na iyan? Sa anong kaparaanang itinatatag ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao? At anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang matukoy ang kalalabasan ng isang tao? At kapag itatatag pa lang ang kalalabasan ng tao, ano ang ginagawa ng Diyos para ibunyag ang kalalabasang ito? May sinuman bang nakaaalam nito? Gaya ng kasasabi Ko lang, may ilang mga matagal nang nagsaliksik sa salita ng Diyos. Naghahanap ang mga taong ito ng mga pahiwatig tungkol sa kalalabasan ng sangkatauhan, tungkol sa pagkakahati-hati ng mga kategorya ng kalalabasang ito, at tungkol sa iba't-ibang mga kalalabasan na naghihintay sa iba't ibang uri ng mga tao. Gusto rin nilang malaman kung paano itinatatag ng salita ng Diyos ang kalalabasan ng tao, ang uri ng pamantayang ginagamit ng Diyos, at ang paraan kung paano Niya itatatag ang kalalabasan ng tao. Ngunit sa katapusan hindi kailanman nagawa ng mga taong ito na makahanap ng kahit ano. Sa aktuwal na katotohanan, napakaliit ang mahalagang nasabi sa salita ng Diyos tungkol sa bagay na ito. Bakit ganoon? Hangga't hindi pa naihahayag ang kalalabasan ng tao, ayaw ng Diyos na sabihin sa kahit sinuman ang mangyayari sa katapusan, ayaw rin Niyang ipaalam nang patiuna ang hantungan ng sinuman. Ang kadahilanan ay wala ring anumang benepisyo sa tao ang paggawa ng Diyos sa bagay na ito. Sa ngayon, gusto Ko lang sabihin sa inyo ang tungkol sa paraan kung paano itinatatag ng Diyos ang kalalabasan ng tao, tungkol sa mga prinsipyo na ginagamit Niya sa Kanyang gawain upang itaguyod ang kalalabasan ng tao, at upang ipahayag ang kalalabasang ito, pati na rin ang pamantayan na ginagamit Niya sa pagtukoy kung maliligtas ba ang isang tao o hindi. Hindi ba ito ang pinaka-inaalala ninyo? Kaya paano iniisip ng tao ang paraan ng pagtatatag ng Diyos sa kalalalabasan ng tao? Nabanggit niyo na ang kaunti sa bagay na ito ngayon lang. Sinabi ng ilan sa inyo na ito ay isang katanungan tungkol sa paggawa ng mga tungkulin nang tapat, paggugol para sa Diyos; sinasabi ng ilang tao na pagsunod sa Diyos at pagbibigay-kasiyahan sa Diyos; sinasabi ng ilang mga tao na pagpapasakop sa awa ng Diyos; at sinasabi ng ilang mga tao na pamumuhay ng isang simpleng buhay. ... Kung ilalagay ninyo sa pagsasagawa ang mga katotohanang ito, kung ilalagay ninyo sa pagsasagawa ang mga prinsipyo ng imahinasyon ninyo, alam niyo ba kung ano ang iniisip ng Diyos? Isinaalang-alang niyo ba kung ang pagpapatuloy sa ganito ay nakapagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Diyos o hindi? Kung nagsisilbi ba ito sa pamantayan ng Diyos? Kung nagsisilbi ba ito sa mga kahilingan ng Diyos? Naniniwala Ako na hindi ito iniisip ng karamihan ng mga tao. Ginagamit lamang nila nang wala sa loob ang isang bahagi ng salita ng Diyos, o isang bahagi ng mga sermon, o ang mga pamantayan ng ilang espirituwal na lalaking hinahangaan nila, pinipilit ang kanilang mga sarili na gawin ito, gawin iyon. Naniniwala sila na ito ang tamang paraan, kaya nananatili silang naninindigan dito, gagawin ito, kahit anuman ang mangyayari sa katapusan. Iniisip ng ilang mga tao: "Naniwala ako sa loob ng maraming taon; Palaging ganitong paraan ang gawain ko; Pakiramdam ko tunay na nabigyang-kasiyahan ko ang Diyos; Pakiramdam ko rin na marami na akong nakuha mula dito. Sapagkat napakaraming katotohanan ang naunawaan ko sa panahon na ito, at naunawaan ko ang maraming bagay na hindi ko naunawaan noon-lalo na, marami sa mga ideya at mga pananaw ko ang nagbago, malaki ang ipinagbago ng mga pag-uugali ko sa buhay, at nagkaroon ako ng magandang pagkaunawa sa mundong ito." Naniniwala ang ganitong mga tao na ito ay isang pag-aani, at ito ang huling resulta ng gawain ng Diyos para sa tao. Sa inyong opinyon, sa mga pamantayang ito at sa lahat ng inyong pinagsamang mga pagsasagawa-nabibigyang-kasiyahan niyo ba ang mga layunin ng Diyos? Sasabihin ng ilang tao nang may ganap na katiyakan: "Syempre! Nagsasagawa kami ayon sa salita ng Diyos; nagsasagawa kami ayon sa ipinangaral at ibinahagi ng kapatid na lalaki; palagi naming ginagawa ang aming tungkulin, palaging sinusunod ang Diyos, at kailanman hindi namin iniwan ang Diyos. Kaya maaari naming sabihing may ganap na kumpiyansa na kami ay nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Gaano man natin nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, gaano man ang pagkaunawa natin sa salita ng Diyos, palagi tayong nasa landas ng paghahangad na maging kaayon ng Diyos. Kung kikilos tayo nang tama, at magsasagawa nang tama, samakatwid ang resulta ay magiging tama." Ano ang tingin ninyo tungkol sa pananaw na ito? Tama ba ito? Marahil, may ilang nagsasabi: "Hindi ko naisip ang tungkol sa mga bagay na ito noon. Iniisip ko lamang na kung magpapatuloy ako sa paggawa sa aking tungkulin at manatiling kikilos ayon sa mga hinihiling ng salita ng Diyos, maaari akong maligtas. Kailanman hindi ko isinaalang-alang ang tanong na maaari ko kayang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, at hindi ko kailanman inisip kung nakakamit ko ba ang pamantayang hinihiling Niya. Yamang hindi sinabi ng Diyos sa akin, at hindi rin siya nagbigay ng anumang malinaw na mga tagubilin, naniniwala ako na hangga't nagpapatuloy ako, masisiyahan ang Diyos at dapat wala na Siyang anumang mga karagdagang kahilingan sa akin." Tama ba ang mga paniniwalang ito? Sa pagkakaintindi ko, itong paraan ng pagsasagawa, itong paraan ng pag-iisip, at ang mga pananaw na ito-lahat ay nagdadala ng mga kathang-isip at kaunting pagkabulag. Kapag sinasabi ko ito, marahil may ilan sa inyo ang nasiraan ng loob: "Pagkabulag? Kung ito ay isang 'pagkabulag,' ang ating pag-asa ng kaligtasan, ang ating pag-asa ng pamamalagi ay napakaliit, at hindi tiyak, hindi ba? Hindi ba ang ganyang pananalita Mo ay kahalintulad ng pagbuhos ng malamig na tubig sa amin?" Anuman ang pinaniniwalaan ninyo, ang mga bagay na sinasabi at ginagawa Ko ay hindi sinadya upang maramdaman ninyo na parang binuhusan kayo ng malamig na tubig. Sa halip, ito ay sinadya upang mapahusay ang pag-unawa ninyo sa mga layunin ng Diyos, at mapahusay ang pagkaintindi ninyo sa kaisipan ng Diyos, sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit, kung anong uri ng tao ang kinagigiliwan ng Diyos, kung ano ang kinasusuklaman ng Diyos, kung ano ang ayaw ng Diyos, kung anong uri ng tao ang nais ng Diyos na makamit, at kung anong uri ng tao ang tinatanggihan ng Diyos. Ang nilalayon nito ay upang maliwanagan ang inyong kaisipan, upang matulungan kayong malaman nang malinaw kung gaano kalayo ang inilihis ng mga kilos at mga saloobin ng bawat isa sa inyo mula sa pamantayan na hinihiling ng Diyos. Kailangan bang talakayin ang mga paksang ito? Dahil alam kong matagal na kayong nananampalataya, at nakinig sa napakaraming pangangaral, ngunit ito ang mga bagay na tiyak na pinakakulang. Maaaring itinala ninyo ang bawat katotohanan sa inyong kuwaderno, maaaring itinala ninyo rin ang personal na pinaniniwalaan ninyong mahalaga sa inyong isip, at sa inyong puso. Planuhin ninyong gamitin ito kapag kayo ay nagsasagawa, upang masiyahan ang Diyos; gamitin ito kapag nakita ninyong nangangailangan kayo; gamitin ito upang malagpasan ninyo ang mahihirap na panahon na nasa harapan ninyo; o hayaan ninyo lang ang mga katotohanang ito na samahan kayo sa inyong pamumuhay. Sa pagkaintindi Ko, kung nagsasagawa lamang kayo, hindi mahalaga kung paano ang eksaktong pagsasagawa ninyo. Ano ngayon, ang napakahalagang bagay? Ito yung habang ikaw ay nagsasagawa, alam ng iyong puso nang may ganap na katiyakan kung nais ng Diyos o hindi ang lahat ng bagay na iyong ginagawa, ang bawat kilos; kung nakasisiya sa mga layunin ng Diyos o hindi ang lahat ng ginagawa mo, lahat ng bagay na iniisip mo, at ang resulta at ang layunin na nasa iyong puso, kung nakapagsisilbi ba ang mga ito sa mga kahilingan ng Diyos, at kung sasang-ayunan ba ang mga ito o hindi ng Diyos. Ito ang mahahalagang bagay.
Mula sa "Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao"