Ang Misteryo ng Trinidad ay Inihayag

08.02.2021

Ni Jingmo, Malaysia

Napakapalad ko noong 1997 na matanggap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus at, noong ako ay binyagan, nagdasal at bininyagan ako ng pastor sa pangalan ng Trinidad (o tatlong persona sa iisang Diyos)-ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Mula noon, sa tuwing nagdarasal ako, inalay ko ang aking panalangin sa pangalan ng Trinidad, ang mapagmahal na Ama sa langit, ang Tagapagligtas na Panginoong Jesus, at ang Banal na Espiritu. Ngunit laging may pag-aalinlangan sa puso ko. Paano nangyari na naging isa lang ang tatlo? Hindi ko ganap na maipahayag o maunawaan kung ano ang kahulugan ng Trinidad.

Lumipas ang dalawang taon, naging deacon ako sa aming simbahan, at kapag sinasamahan ko ang mga magiging mananampalataya, laging may magtatanong sa akin kung ano ang ibig sabihin ng Trinidad. Madalas tinatanong din ng mga tao ang tungkol sa Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu sa pangungumpisal. Dahil hindi ko rin naunawaan ang misteryong ito, hindi ko sila kailanman nasagot, at ikinabagabag ko ito nang labis. Gustung-gusto kong maliwanagan sa bagay na ito kaya hiniling ko sa pastor at mga mangangaral na ipaliwanag ito sa akin sa pag-asang makatatanggap ako ng tiyak na sagot. Ang kanilang sagot, gayunpaman, ay kinapapalooban lamang ng: "Ang Diyos ay Trinidad, na binubuo ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Ang Ama ang naglalahad ng mga plano para sa ating kaligtasan, ang Anak ang tumatapos nito, at ang Banal na Espiritu ang nagsasagawa ng plano. Ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos-tatlong persona, na magkakasamang bumubuo ng iisang Diyos na tunay." Ang paliwanag na ito ay lalo lamang nagpagulo ng isip ko, at itinanong ko, "Pero kung Siya ay tatlong persona, paano Siya naging iisang Diyos?" Pagkatapos ay sinabi nila sa akin, "Ang Trinidad ay isang misteryo. Huwag mo nang malalim na pag-isipan ito. Manalig ka na lamang sa iyong pananampalataya at paniwalaan mo ito, at iyan lang ang kailangan mong gawin." Bagama't labis pa rin akong nagulumihanan, pinilit kong tanggapin na lang ito, iniisip na: "Huwag mo nang isipin iyan. Paniwalaan mo na lang!" Nang nagdasal ako, nagdasal pa rin ako sa Trinidad: sa mapagmahal na Ama sa langit, sa Tagapagligtas na Panginoong Jesus, at sa Banal na Espiritu. Pakiramdam ko sa pamamagitan lang ng ganoong paraan ng pagdarasal pakikinggan ng Diyos ang aking mga dasal, at nangamba na, kung sa isang persona lamang ako ng Diyos magdarasal, hindi Niya ako pakikinggan. At dahil dito, patuloy akong nakadama ng gayong kalituhan sa loob ng maraming taon, naniniwala sa Trinidad na gawa ng sarili kong imahinasyon. Pagkatapos niyon, sa tuwing tatanungin ako ng mga kapatid na lalaki at babae sa simbahan tungkol sa ibig sabihin ng Trinidad, hindi ko pa rin alam kung paano tumugon. Ang tanging nagawa ko lamang ay sagutin sila ayon sa sinabi sa akin ng pastor, bagama't nakikita ko sa mga mukha nila na hindi nila talaga naunawaan. Pakiramdam ko ay wala na akong magagawa, at ang tanging magagawa ko ay dumulog muli sa Panginoon sa panalangin: "Nagpapasalamat ako sa Iyo, mahal kong Ama sa langit! Kapag tinatanong ako ng mga kapatid at mga magiging mananampalataya tungkol sa Trinidad, hindi ko alam kung paano sila sasagutin. Hinihiling ko na tulungan Mo ako. Nawa'y gabayan ako ng Banal na Espiritu upang maunawaan ko ang kahulugan ng Trinidad, upang hindi na ako malito sa bagay na ito, at nawa'y mas marami pang tao ang makakilala sa Iyo."

Noong Mayo 2017, may nakilala akong kapatid na babae sa Facebook. Napakagiliw at napakatiyaga niya, at matapos naming magbahagi at talakayin ang ilang sipi ng Banal na Kasulatan, nakita ko na may liwanag sa kanyang mga ibinahagi. Napakarami kong natutuhan sa mga ito, at sabik ako na makipagpalitan ng mga ideya sa kanya. Kalaunan dinala niya ako at ilan pang mga kapatid na lalaki at babae sa ilang pagtitipon. Sa pamamagitan ng mga pagbabahagi sa mga pulong na ito, naunawaan ko ang ilang katotohanan na hindi ko naunawaan kailanman noon, tulad ng kung ano ang pagkakatawang-tao at ang paraan ng pagdating ng Panginoon, at iba pa. Nakinabang ako nang lubos mula sa kanila at mas naging malinaw sa akin ang ilang sipi mula sa Banal na Kasulatan. Nang itanong ko sa kapatid na babae kung paano niya nagawang makaunawa nang lubos mula sa pagbabasa ng Biblia, samantalang ako ay hindi, sinabi niya sa akin, "Lahat ng nauunawaan ko ay mula sa pagbabasa ko ng mga salita ng Diyos. Ang ating Panginoong Jesus ay nakabalik na. Siya ay nagkatawang-tao bilang Anak ng tao upang ipahayag ang Kanyang mga salita at gumanap ng bagong gawain sa mga huling araw...." Nagulat at labis na natuwa ako sa balitang ito, at tinanong nang sunud-sunod ang kapatid na ito: "Totoo ba ito? Talaga bang bumalik na ang Panginoon?" Sumagot siya nang walang pag-aalinlangan, "Oo, totoo ito!" Sinabi pa niya na nagbalik ang Panginoon sa nagkatawang-taong anyo sa mga huling araw, ngunit nagbago ang pangalan ng Diyos. Ang Diyos ay tinatawag na ngayong Makapangyarihang Diyos, bilang "ang Makapangyarihan" na ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag. Sa sandaling iyon na narinig ko ang pangalan ng "Makapangyarihang Diyos," bahagyang pumitlag ang puso ko, at inisip ko sa aking sarili: "Makapangyarihang Diyos? Hindi ba't iyan ang Kidlat ng Silanganan? Sinabihan kami ng aming pastor na mag-ingat sa Kidlat ng Silanganan at huwag kaming magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanila. Bukod pa riyan, naniniwala kami sa Panginoong Jesus, pero sinasabi ng kapatid na babaeng ito na bumalik na ang Panginoong Jesus at taglay ang pangalan na Makapangyarihang Diyos, kaya paanong iba ang Kanyang pangalan? Sa katapus-tapusan ba ay sa pagkalihis ako hahantong?" Ngunit naisip ko: "Simula nang makilala ko ang kapatid na babaeng ito, nalaman ko na hindi lamang naaayon sa Biblia ang ibinabahagi niya, kundi labis na nagbibigay-liwanag din ang mga ito, at malinaw na kinapapalooban ang mga ito ng Banal na Espiritu. Kung mali ang daang ito, bakit taglay nito ang gawain ng Banal na Espiritu? Patuloy ko ba siyang pakikinggan, o hindi?"

Nang nagtatalo na ang damdamin ko, bigla kong naalala ang isang sipi na ibinahagi sa akin noon ng kapatid na babaeng ito: "Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito" ("Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Binabanggit sa siping ito si Cristo at sinasabi na maibibigay ni Cristo sa mga tao ang katotohanan. Sa Ebanghelyo ni Juan, kabanata 14, talata 6, sinabi ng Panginoong Jesus: "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko." Ang Panginoong Jesus ay si Cristo, ang Diyos na nagkatawang-tao, at sinabi Niya, "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay." Kapwa binabanggit ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ni Jesus si Cristo at ang katotohanan, "Kung ang Makapangyarihang Diyos ay si Cristo," naisip ko, "kung gayon tiyak na maipapahayag Niya ang katotohanan at magbibigay ng panustos para sa buhay ng mga tao." Naisip ko ang maraming salita ng Makapangyarihang Diyos na binasa sa akin ng kapatid na babae kamakailan. Nang nakinig ako sa kanila, nadama ko na may taglay silang awtoridad at kapangyarihan, at nadama ko na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay talagang totoo at nagmula ang mga ito sa Banal na Espiritu! Dahil dito natanto ko na tiyak na ito ang tamang daan, at hindi ito maaaring maging mali. Sinasabi sa Biblia: "Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo" (Roma 10:17). Kung ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginong Jesus at hindi ko hinanap o siniyasat ang daang ito, kundi bulag na naniwala sa mga sinabi ng mga pastor at elder, kung gayon pinalampas ko ba ang pagliligtas ng Panginoon at hindi nagawang sumalubong sa Kanyang pagbabalik? Iniisip ito, ipinasiya kong dumalo ng ilan pang pagtitipon upang mas maunawaan ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.

Sa isa pang pagtitipon, ibinahagi ng kapatid na babae ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa amin: "Naisulong na ng gawaing ginagawa sa kasalukuyan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; iyan ay, ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nakasulong na. Bagama't natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit paulit-ulit Kong sinasabi na ang yugtong ito ng gawain ay naitaguyod mula sa Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan? Nangangahulugan ito na ang gawain sa kasalukuyan ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya at isang pagsulong doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay at ang bawat kawing sa kadena ay nakadugtong sa isa. Bakit sinasabi Ko rin na ang yugtong ito ng gawain ay naitaguyod ng ginawa ni Jesus? Kung sakaling hindi naitaguyod ang yugtong ito sa gawaing ginawa ni Jesus, isa pang pagpapapako sa krus ang kailangang maganap sa yugtong ito, at ang gawaing pagtubos ng nakaraang yugto ay kailangang ulitin muli. Magiging walang saysay ito. Kaya't hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas nang mas mataas pa kaysa rati. Maaaring sabihin na ang yugtong ito ng gawain ay itinatatag sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at sa sandigan ng gawain ni Jesus. Ang gawain ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong pasimula. Tanging ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala" ("Binubuo ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pagkatapos ay nagbahagi ang kapatid na babae, sinasabing, "Ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong, at gumaganap Siya ng iba't ibang gawain at nagtataglay ng iba't ibang pangalan sa iba't ibang kapanahunan ayon sa mga pangangailangan ng tao. Ngunit ano mang yugto ng gawain na ginagampanan ng Diyos sa anong pangalan, ang pinakamahalaga, laging ang Diyos Mismo ang gumaganap ng gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Sa Kapanahunan ng Kautusan, tinaglay ng Diyos ang pangalang Jehova, upang gampanan ang Kanyang gawain: Ipinahayag Niya ang batas at mga utos upang gabayan ang buhay ng tao sa mundo, at itinulot Niyang malaman ng tao kung ano ang kasalanan, anong mga tuntunin ang dapat nilang sundin, at paano nila sasambahin ang Diyos, at iba pa; sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay nagkatawang-tao at tinaglay ang pangalang Jesus at, sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, ginampanan Niya ang gawain na pagkapako sa krus upang tubusin ang sangkatauhan, na ang naging bunga ay ang kapatawaran ng mga kasalanan ng taong iyon. Ngayon, sa huling Kapanahunan ng Kaharian, ang Diyos ay nagkatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at, taglay ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos, ginagampanan Niya ang Kanyang gawaing paghatol at pagdalisay ng tao sa pundasyon ng gawain ng pagtubos. Ang bunga nito ay pagkaalis ng likas na pagiging makasalanan at mga tiwaling disposisyon na kinikimkim ng tao, at ang pangunahing dahilan ng paggawa ng mga kasalanan at pagtanggi sa Diyos ay tinanggal nang lubusan. Ang tatlong yugto ng gawain ay pumupuno sa bawat isa nang perpekto, na bawat yugto ng gawain ay pataas nang pataas at mas malalim kaysa sa huli. Walang yugto ng gawain ng Diyos ang makatatayong mag-isa-tanging ang tatlong yugto ng gawain na pinaghabi-habi ang bumubuo ng kumpletong gawain na iligtas ang sangkatauhan na ginagampanan ng Diyos, at magkakasamang binubuo ng mga ito ang anim-na-libong taong plano ng pamamahala para sa sangkatauhan. Ginagamit lamang ng Diyos ang Kanyang pangalan upang ihiwalay ang mga kapanahunan at baguhin ang mga kapanahunan, at iyan ang dahilan kaya nakikita natin na nagbabago ang mga pangalan ng Diyos kasabay ng kapanahunan. Ngunit kahit gaano man maaaring mabago ang pangalan ng Diyos, ang Diyos ay iisang Diyos pa rin." Matapos pakinggan ang mga salita ng Diyos at ang pagbabahagi ng kapatid na babae, napamangha ako. Naniwala na ako sa Diyos nang panahong iyon at wala ako kailanmang nakilala noon na sinuman na may kakayahang maipaliwanag ang anim-na-libong taong gawain ng pamamahala, gayong naihayag na ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang misteryong ito-ang mga salitang ito ay totoong tinig ng Diyos! Hindi ako nalihis sa aking paniniwala: Ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Binabago lamang ng Diyos ang Kanyang pangalan sa bawat kapanahunan, iyon lamang. Ngunit Siya ay iisang Diyos pa rin.

Patuloy ko itong siniyasat nang ilang araw pa. Nagbahagi sa amin ang kapatid na babae ng mga aspeto ng katotohanan tulad ng gawain ng paghatol na ginagampanan ng Diyos sa mga huling araw at ang kahalagahan ng mga pangalan ng Diyos, at habang mas marami akong naririnig, lalong nagiging malinaw ito sa akin. Isang araw sinabi niya, "Inihayag ng mga salita ng Diyos ang lahat ng misteryo ng Biblia," at nang marinig ko ito, kaagad sumigla ang puso ko; sinabi ko sa kanya ang tungkol sa usapin ng Trinidad na nagdudulot sa akin ng labis na alalahanin sa napakaraming taon. Pagkatapos ay binasahan ako ng kapatid na babae ng sipi mula sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: "Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag nga ninyo kung ano ba talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba isang Espiritu ang Ama? Hindi ba isang Espiritu rin ang diwa ng Anak? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinakatuparan ng Espiritu kagaya ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, may tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos. Ibig sabihin, walang iisang tunay na Diyos; paano pa tataglayin ng ganitong uri ng Diyos ang likas na diwa ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya nagkaroon ng isang anak at naging isang ama? Hindi ba mga paniwala mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, gaya ng nasusulat sa Biblia na 'Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.' Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang magkatawang-tao at mabuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Sakop ng Kanyang Espiritu ang lahat at Siya ay nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa sansinukob at nasa ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi kayang hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos" ("Umiiral ba ang Trinidad?" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Nagbahagi ang kapatid na babae, sinasabing, "Ang mga salita ng Diyos ay napakalinaw. Natatangi ang Diyos at iisa lang ang Diyos. Mayroon ding iisang Banal na Espiritu. Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay may iisang diwa, yaon ay ang Espiritu. Nakagagawa ang Diyos sa Espiritu, tulad ni Jehova, ngunit makagagawa rin Siya sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao bilang Anak ng tao, tulad ni Jesus at Makapangyarihang Diyos. Ngunit kumikilos man ang Diyos sa Espiritu o sa katawang-tao, ang pinakamahalaga, ang Espiritu pa rin ng Diyos ang gumaganap ng Kanyang sariling gawain. Samakatwid ang konsepto ng Trinidad ay nauukol sa mga pagkaunawa at haka-haka ng tao at ganap na di-makatwiran. Sa katunayan, ang konsepto ng Trinidad ay itinatag mahigit 300 taon na matapos ang panahon ng Panginoon, sa konsehong ekumenikal ng Nicaea. Sa konsehong iyon, ang mga eksperto sa relihiyon mula sa Sangkakristiyanuhan ay mainit na pinagdebatehan ang tungkol sa kaisahan o karamihan ng mga kalikasan ng Diyos hanggang sa mabuo nila ang konsepto ng Trinidad batay sa kanilang mga pagkaunawa, haka-haka, at lohikal na mga hinuha. Mula noon, inilarawan ng mga tao ang iisang Diyos na tunay na lumikha ng mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay bilang Trinidad, sa paniniwala, na maliban pa sa Banal na Anak na Panginoong Jesus, may isang Banal na Ama sa langit at isang kasangkapan na ginamit kapwa ng Ama at ng Anak, yaon ay ang Banal na Espiritu. Ito ay labis na kahibangan. Kung aayunan natin ang interpretasyon ng mundo ng mga relihiyon at maniniwala sa Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu, kung gayon ang ibig sabihin nito ay may tatlong Espiritu at tatlong Diyos, at hindi ba't salungat iyan sa katotohanan na mayroon lamang isa at natatanging Diyos? Sa katunayan, walang Trinidad na umiiral. Ito ay interpretasyon na nagmula lamang sa isipan ng tao at isang konklusyong ginawa ng tiwaling sangkatauhan batay sa ating mga pagkaunawa at haka-haka. Kailanman ay walang sinabing gayon ang Diyos, ni ang propeta o apostol na binigyang-inspirasyon ng Diyos, at walang naitalang gayong bagay saanman sa Biblia."

Nanatili pa rin ang bahagyang kalituhan sa aking puso habang nakikinig ako sa mga salita ng Diyos at sa pagbabahagi ng kapatid na babae, kaya itinanong ko, "Inilalahad ng Biblia na matapos mabinyagan si Jesus, bumukas ang mga kalangitan at ang Banal na Espiritu ay dumating na parang kalapati at bumaba kay Jesus, at isang tinig mula sa langit ang nagsabing: 'Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan' (Mateo 3:17). Gayundin, bago Siya ipinako sa krus, ang Panginoong Jesus ay nanalangin at nagsabi: 'Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo' (Mateo 26:39). Sinasabi sa mga banal na kasulatan na tinawag ng Diyos sa langit si Jesus na Kanyang sinisintang Anak, at tinawag ni Jesus ang Diyos sa langit na Kanyang Ama nang nanalangin Siya. Kaya, mayroon tayo ritong Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu-hindi ba't ipinapakita riyan na ang Diyos ay Trinidad? Bakit sinasabi sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na hindi umiiral ang Trinidad at ito ay simpleng mga pagkaunawa at haka-haka lamang ng mga tao. Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?"

Bilang sagot sa aking katanungan, nagbahagi ang kapatid na babae, sinasabing, "Sadyang walang konsepto na tulad ng Trinidad sa Lumang Tipan. Nagkaroon lamang tayo ng interpretasyon tungkol sa 'Ama at sa Anak' matapos na ang Panginoong Jesus ay maging tao at pumarito sa mundo para gampanan ang Kanyang gawain. Nakatala sa Ebanghelyo ni Juan na hindi kilala ni Felipe ang Diyos at naniwala na, bukod sa Panginoong Jesus sa mundo, mayroon ding Banal na Ama sa langit, kaya sinabi niya kay Jesus, 'Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama. Itinama ng Panginoong Jesus ang maling pananaw ni Felipe at inihayag ang misteryong ito, sinasabi kay Felipe, 'Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?' (Juan 14:9). Sinabi rin Niya, 'Ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin' (Juan 14:10). 'Ako at ang Ama ay iisa' (Juan 10:30). Ang Ama ay ang Anak, at ang Anak ay ang Ama; ang Ama at ang Anak ay iisa, Sila ay may isang Espiritu. Sa pagsasabi nito, sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus na Siya at ang Ama ay iisa, hindi dalawa."

Pagkatapos ay ipinapanood sa akin ng kapatid na ito ang napakagandang pelikula na may pamagat na Paghahayag sa Hiwaga ng "Ama at Anak." Kasunod niyon, nagbasa kami ng sipi mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: "Mayroon pa rin yaong mga nagsasabi, 'Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?' Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan-tiyak na sinabi ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Sarili Niya mismo, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na sumasaksi sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ay ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Naiintindihan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, 'Ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,' ay nagpapahiwatig na Sila ay isang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila ay nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Sa katotohanan, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na sumasaksi sa Sarili Niya. ... Sapagka't Siya ang pagkakatawang-tao, Siya ay tinawag na sinisintang Anak ng Diyos, at, mula rito, dumating ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Ito ay dahil lamang sa paghihiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nagbihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, ito ay mula sa pananaw ng katawang-tao na Kanyang sinabi: 'Ang aking balat ay yaong sa nilikhang tao. Yamang Ako ay nagbihis ng katawang-tao upang makarating dito sa lupa, Ako ngayon ay malayo, malayung-malayo mula sa langit.' Sa kadahilanang ito, makakapanalangin lamang Siya sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito ang dapat maipagkaloob sa nagkatawang-taong Espiritu ng Diyos. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nananalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama't tinatawag Siya na sinisintang Anak ng Diyos, Siya pa rin ay Diyos Mismo, sapagka't Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, at ang Kanyang sangkap ay ang Espiritu pa rin" ("Umiiral ba ang Trinidad?" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Sinabi ng kapatid na babae, "Nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon bilang ang Panginoong Jesus at ginampanan ang Kanyang gawain, walang nakakilala sa Diyos, hindi nila naunawaan ang katotohanan ng pagkakatawang-tao, at hindi nila alam kung ano ang pagkakatawang-tao. Kung direktang sinabi sa kanila ng Panginoong Jesus na Siya si Jehova na kanilang sinamba, baka hindi nila matanggap ito dahil sa kanilang mga tayog noong panahong iyon, at baka ang Panginoong Jesus ay kondenahin at tanggihan ng sangkatauhan bago pa man Niya masimulang gampanan ang Kanyang gawain. Marahil ang gawain ng Diyos na pagtubos sa sangkatauhan ay magiging imposible, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman matatamo si Jesus bilang handog para sa kasalanan. Upang matanggap ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus, maniwala sa Kanya, at makamit ang pagliligtas ng Diyos, bago pormal na simulan ni Jesus ang Kanyang gawain, pinatotohanan ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa katayuan ng Kanyang Espiritu at tinawag ang Kanyang Sarili sa katawang-tao bilang Kanyang Anak, upang makita ng mga tao na si Jesus ay tunay na nagmula sa Diyos; nakatulong ito para mapadali ang pagtanggap natin ng pagliligtas ng Panginoong Jesus. At nang ang Panginoong Jesus ay nanalangin at tinawag ang Diyos sa langit na Kanyang Ama, ito ay ang nagkatawang-tao na Anak ng tao na tinatawag na Ama ang Espiritung nasa kalooban Niya Mismo mula sa katayuan ng katawang-tao. Ginawa ito batay sa kaibahan sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao; hindi ibig sabihin nito na may hiwalay na Ama at Anak. Sa katunayan, ang interpretasyon ng Ama at ng Anak ay angkop lamang sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos sa mundo, yaon ay, kapag nakumpleto na ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, nabuhay na mag-uli, at umakyat sa langit, hindi na kailangan pa ang interpretasyon ng Ama at ng Anak. Samakatwid hindi na natin magagamit ang interpretasyon ng Ama at ng Anak na inimbento ng mga haka-haka ng sangkatauhan at gamitin ito nang lahatan sa Diyos, na sinasabing sa Diyos ay may Ama at Anak, at na mayroon ding kagamitan na kapwa ginamit ng Ama at ng Anak-ang Banal na Espiritu-at na ang Diyos ay isang Trinidad. Ang magsabi ng gayong bagay ay salungat sa salita ng Diyos at salungat sa mga katotohanan. Hindi natin naunawaan noon ang katotohanan, kaya kapag nagsabi tayo ng gayong bagay, hindi tayo kinondena ng Diyos. Ngunit ngayon lubusan nang inihayag ng Diyos ang katotohanan at misteryong ito, at dapat nating tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang Diyos na isinasaalang-alang ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang tama, at ito lamang ang ayon sa kalooban ng Diyos."

Sa pamamagitan ng ibinahagi ng kapatid na ito, naunawaan ko kung bakit tatawagin ng Panginoong Jesus ang Diyos sa langit na Kanyang Ama. Ito ay dahil sa Siya ay nagkatawang-tao bilang Anak ng tao at nananalangin sa Ama sa langit sa katayuan ng isang tao. Nagpatotoo ang Diyos kay Jesus bilang Kanyang sinisinta at pinakamamahal na Anak, at ito ay ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao mula sa katayuan ng Espiritu. Ang Isa ay nasa langit at ang Isa ay nasa lupa ngunit Sila, sa katunayan, ay iisang Espiritu. Sinasabi lamang ng Diyos ang mga bagay na ito mula sa iba't ibang katayuan, kaya lumitaw ang interpretasyon ng "ang Ama at ang Anak." Ang Diyos ay ang iisang Diyos na tunay. Siya ay isang Espiritu, sumasaklaw sa lahat at sumasalahat ng dako. Siya ay maaaring nasa langit, Siya ay maaaring nasa lupa, at Siya ay maaaring magkatawang-tao. Nang maunawaan ko ang lahat ng ito, biglang naging malinaw sa akin ang lahat, ang kalituhan na palagi kong nadarama noon sa loob ng maraming taon ay kagyat na nawala, at nakadama ako ng pambihirang diwa ng pagpapalinaw at paglaya.

Kasunod niyon, ipinapanood sa akin ng kapatid na babae ang pelikula tungkol sa patotoo sa ebanghelyo na tinawag na Pagsisiyasat sa "Trinidad" kung saan nakita ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: "Sa loob nitong napakaraming taon, ang Diyos ay pinagbaha-bahagi ninyo sa ganitong paraan, papino nang papino ang pagbabahagi sa bawat henerasyon, hanggang sa ang isang Diyos ay lantarang pinagbaha-bahagi sa tatlong Diyos. At ngayon ay imposible na para sa tao na pagdugtung-dugtungin ang Diyos bilang isa, sapagkat napagbaha-bahagi na ninyo Siya nang pinung-pino! Kung hindi sa Aking mabilis na paggawa bago mahuli ang lahat, mahirap sabihin kung gaano katagal kayong mananatiling garapal sa ganitong paraan! Sa patuloy ninyong pagbabaha-bahagi ng Diyos sa ganitong paraan, paano pa Siyang nagiging inyong Diyos? Makikilala pa rin ba ninyo ang Diyos? Kikilalanin pa rin ba ninyo Siya bilang inyong ama at babalik sa Kanya? Kung nahuli pa nang kaunti ang Aking pagdating, malamang ay ipinadala na ninyo ang 'Ama at Anak,' si Jehova at si Jesus pabalik sa Israel at inari ang inyong mismong mga sarili na bahagi ng Diyos. Mabuti na lang, mga huling araw na ngayon. Sa wakas, dumating na rin ang araw na ito na matagal Ko nang hinintay, at pagkatapos lamang na Aking naisakatuparan itong yugto ng gawain sa pamamagitan ng Aking sariling kamay na ang inyong pagbabaha-bahagi sa Diyos Mismo ay napatigil. Kung hindi dahil dito, maaaring kayo ay namayagpag na, ipinapatong pa ang lahat ng Satanas sa inyo sa mga hapag ninyo upang sambahin. Ito ay inyong pakana! Ang inyong pamamaraan ng pagbabaha-bahagi sa Diyos! Magpapatuloy pa rin ba kayo ngayon? Hayaan ninyong tanungin Ko kayo: Ilan ba ang Diyos? Aling Diyos ang magdadala sa inyo ng kaligtasan? Ito ba ang unang Diyos, ang ikalawa, o ang ikatlo na palagi ninyong dinadalanginan? Alin sa Kanila ang palagi ninyong pinaniniwalaan? Ito ba ang Ama? O ang Anak? O ito ba ang Espiritu? Sabihin mo sa Akin kung sino ang pinaniniwalaan mo. Bagama't sa bawat salitang iyong sinasabi na naniniwala ka sa Diyos, ang inyong totoong pinaniniwalaan ay ang inyong sariling utak! Wala talaga kayong Diyos sa inyong puso! At gayunman sa inyong mga isip ay ilan ang gayong mga 'Trinidad'! Hindi ba kayo sumasang-ayon?" ("Umiiral ba ang Trinidad?" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Nang matapos namin ang pelikula nakadama ako ng saya, ngunit nakadama rin ako ng pagkabalisa at paninisi sa sarili. Masaya ako dahil ang kalituhang nadama ko sa mahabang panahon ay nalutas na rin sa wakas: Ang Diyos ay iisa, at ang interpretasyon ng Trinidad ay hindi umiiral. Tanging ang paniniwala lamang sa isang Diyos na tunay ang nakaayon sa kalooban ng Diyos, at hindi ko na kailangang magdasal sa Ama sa isang minuto, at pagkatapos ay magdarasal naman sa Banal na Espiritu o sa Anak na tulad ng dati kong ginawa-napakagaan ng pakiramdam ko. Ngunit dama ko pa rin ang pagkabalisa at paninisi sa aking sarili dahil naniwala ako sa Diyos nang napakaraming taon subalit hindi ko nakilala ang Diyos. Ang pinaniniwalaan ko pala noon ay isang Diyos na inimbento lamang ng aking mga pagkaunawa at haka-haka-isang malabong Diyos ng alamat. Hindi pala ako naniniwala sa tunay na Diyos at, higit pa riyan, sinasalungat ko ang Diyos at sinisira ko ang Diyos-nilalapastangan ko pala noon ang Diyos! Salamat sa Diyos, sapagkat ang pagparito ng Makapangyarihang Diyos ang naghayag ng lahat ng kahangalan ng tiwaling pananampalataya ng sangkatauhan, at ang Makapangyarihang Diyos ang naghayag ng misteryong ito na nahirapang alamin ng mundo ng mga relihiyon. Ang Makapangyarihang Diyos ay walang dudang ang Panginoong Jesus na nagbalik, ang Panginoon na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Siya ay iisang Diyos na tunay!

Kalaunan, sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakita ko na lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan at ang mga ito ay tinig ng Diyos. Nang walang pag-aatubili, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at nagsimulang makasabay sa mga yapak ng Cordero. Ngayon kapag nagdarasal ako, hindi ko na kailangang magdasal sa tatlong Diyos. Nagdarasal lang ako sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos, at ito ay nagpapadama sa akin ng matinding kapanatagan, kapayapaan, at kagalakan. Hindi ko na kailangang mag-alala na baka hindi ako nakapagdarasal nang sapat sa isa o sa isa pang persona ng Diyos, at dahil dito ay hindi mapapakinggan ng Diyos ang mga dasal ko. Talagang nadama ko ang tunay na kapanatagan, kalayaan, ang kagalakan at ang kaligayahan na nagmumula sa pag-unawa sa katotohanan at pagkakilala sa Diyos. Salamat sa Diyos!

________________________________

Ang kahulugan ng "Ako at ang Ama ay iisa" ay nabunyag. Ang katotohanan ay na ang Panginoong Jesus ay hindi ang Anak ng Diyos bagkus ang nagkatawang-taong Diyos, ang Diyos Mismo.

Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!
© 2019 Pablo Siloé. Todos los derechos reservados.
Creado con Webnode Cookies
¡Crea tu página web gratis! Esta página web fue creada con Webnode. Crea tu propia web gratis hoy mismo! Comenzar