Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao
Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang mga layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nais Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito magiging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking kalooban. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bansang Gentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang lugmok sa pagkabigo, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na dapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanasang makialam sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagka't ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang silbi ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang silbi ng Aking pagkastigo ay ang tulutan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao, dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa mga bansang Gentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagka't wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi may pakialam lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay wala pa ring malasakit sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawain? Paano mapapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang mapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, at makarating ito sa mga bansang Gentil, nang sa gayon ang Aking pangalan ay dadakilain ng kapwa matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dadakilain ng bibig ng mga tao mula sa lahat ng tribo at bansa. Ito ay upang sa huling kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Gentil, upang makita ng mga Gentil ang Aking mga gawa at tatawagin nila Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at upang ang Aking mga salita ay maaaring matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng bansa ng mga Gentil, kahit na yaong Aking isinumpa. Hahayaan Kong makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano sa paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na tutuparin sa mga huling araw.
Ang gawain na Akin nang pinamamahalaan nang libu-libong taon ay ganap na nabubunyag sa tao sa mga huling araw lamang. Ngayon Ko lamang nailantad sa tao ang buong misteryo ng Aking pamamahala, at batid na ng tao ang layunin ng Aking gawain at, bukod dito, ay nakaunawa na sa lahat ng Aking mga misteryo. Nasabi Ko na sa tao ang lahat ng tungkol sa hantungan na kanyang inaalala. Nabuksan Ko na para sa tao ang lahat ng Aking mga misteryo, mga misteryo na nakatago nang mahigit 5,900 taon. Sino si Jehova? Sino ang Mesias? Sino si Jesus? Dapat ninyong malaman ang lahat ng ito. Ang Aking gawain ay umiikot sa mga pangalang ito. Naunawaan na ba ninyo iyan? Paano dapat iproklama ang Aking banal na pangalan? Paano dapat mapalaganap ang Aking pangalan sa alinman sa mga bansa na tumawag sa Akin sa alinman sa Aking mga pangalan? Ang Aking gawain ay lumalawak, at Aking palalaganapin ang kapunuan nito sa lahat ng bansa. Dahil ang Aking gawain ay naisakatuparan na sa inyo, hahampasin Ko kayo gaya ng paghampas ni Jehova sa mga pastol sa sambahayan ni David sa Israel, na magsasanhi sa inyong kumalat sa bawat bansa. Dahil sa mga huling araw, dudurugin Ko ang lahat ng bansa sa maliliit na piraso at sasanhiin na muling maipamahagi ang kanilang mga tao. Sa muli Kong pagbabalik, ang mga bansa ay nahati na sa mga hangganang itinakda ng Aking nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, ipamamalas Kong muli ang Aking Sarili sa sangkatauhan bilang ang nakakapasong araw, ipinapakita ang Aking Sarili nang lantaran sa kanila sa larawan ng Banal na hindi pa nila nakita kailanman, na naglalakad sa gitna ng napakaraming bansa, gaya ng Ako, si Jehova, ay minsang naglakad kasama ng mga tribong Judio. Simula roon, pangungunahan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa daigdig. Doon tiyak na makikita nila ang Aking kaluwalhatian, at tiyak na makikita rin nila ang isang haliging ulap sa himpapawid upang pangunahan sila sa kanilang mga buhay, dahil magpapakita Ako sa mga banal na lugar. Makikita ng tao ang Aking araw ng pagkamakatuwiran, at gayon din ang Aking maluwalhating pagpapamalas. Magaganap iyan kapag naghari Ako sa buong daigdig at dinala ang marami Kong anak na lalaki sa kaluwalhatian. Sa lahat ng dako sa daigdig, yuyuko ang mga tao, at ang Aking tabernakulo ay matatag na itatayo sa gitna ng sangkatauhan, sa ibabaw ng pundasyon ng gawain na Aking isinasakatuparan ngayon. Ang mga tao ay maglilingkod din sa Akin sa templo. Ang altar, na balot ng marurumi at nakasusuklam na mga bagay, ay Aking dudurugin at itatayong muli. Ang mga bagong silang na tupa at guya ay isasalansan sa ibabaw ng banal na altar. Gigibain Ko ang templo ng kasalukuyan at magtatayo ng bago. Ang templo na nakatayo ngayon, na puno ng kasuklam-suklam na mga tao, ay guguho, at ang Aking itatayo ay mapupuno ng mga lingkod na tapat sa Akin. Muli silang tatayo at maglilingkod sa Akin alang-alang sa kaluwalhatian ng Aking templo. Tiyak na makikita ninyo ang araw kung kailan tatanggap Ako ng dakilang kaluwalhatian, at tiyak na makikita rin ninyo ang araw kung kailan Aking gigibain ang templo at magtatayo ng bago. Gayon din, tiyak na makikita ninyo ang araw ng pagdating ng Aking tabernakulo sa mundo ng mga tao. Habang winawasak Ko ang templo ay dadalhin Ko rin ang Aking tabernakulo sa mundo ng mga tao, habang minamasdan nila ang Aking pagbaba. Pagkatapos Kong durugin ang lahat ng bansa, titipunin Ko silang muli, at mula roon ay itatayo ang Aking templo at itatatag ang Aking altar, upang ang lahat ay maaaring maghandog sa Akin ng mga alay, maglingkod sa Akin sa Aking templo, at matapat na ilaan ang kanilang mga sarili sa Aking gawain sa mga bansang Gentil. Sila ay magiging katulad ng mga Israelita sa kasalukuyan, nakasuot ng damit at korona ng saserdote, nang may kaluwalhatian Ko, si Jehova, sa kalagitnaan nila, at Aking kamahalan na umaali-aligid sa kanila at nananatili sa kanila. Ang Aking gawain sa mga bansang Gentil ay ipapatupad din sa parehong paraan. Tulad ng Aking gawain sa Israel, gayon din ang magiging gawain Ko sa mga bansang Gentil, sapagka't palalawakin Ko ang Aking gawain sa Israel at palalaganapin ito sa mga bansa ng mga Gentil.
Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Gentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa't isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay papalapit na sa sangkatauhan. Paano mo tatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakakapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan sa kanyang dibdib, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagka't nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig. Hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao, at kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensya. Kaya nga nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao yaong sinabi ng Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy siyang nakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, wala pa rin siyang takot man lamang. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad niyaong sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Hinihingi ninyo sa isa't isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensya para mag-agawan ng puwesto, katanyagan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, nguni't hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo makarating sa Aking presensya, natunugan Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagmamasid ng Aking mga mata, nguni't hindi Ako kailanman umilag sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang yaon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang kasamaan ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang paghihimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking luklukan ng paghatol, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagka't labis ang kanyang paghihimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan,[a] kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at maglilingkod pa rin sa Akin gaya ng ginagawa ng Aking mga banal na lingkod sa Aking gawain, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang "Sa ganitong paraan."
________________________________
Ang Panginoon ay bumalik at Siya ang nagkatawang-taong Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Binuksan ng Makapangyarihang Diyos ang Kapanahunan ng Kaharian, humahatol at dinadalisay ang tao sa Kanyang mga salita. Tanging yaong mga tumatanggap lamang ng ebanghelyo ng kaharian ng langit ang maaaring sumalubong sa Panginoon at magkaroon ng pagkakataong makapasok sa kaharian ng Diyos.
Sumnod: Ang Pangalan ng Diyos Ay Totoong Misteryoso
Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.